Itinaya ng isang lalaki ang kaniyang sariling kaligtasan para masagip ang kapitbahay niyang mag-iina na mahimbing ang pagkakatulog kahit nasusunog na ang kanilang bahay sa Dumaguete, Negros Oriental.

Sa ulat ni Mav Gonzales sa GMA News "Balita Pilipinas" nitong Martes, sinabing mahimbing na natutulog ang ina at tatlo niyang batang anak nang magsimulang lamunin ng apoy ang kanilang bahay.

Wala ang padre de pamilya nang masunog ang bahay, na namamasada noon ng tricycle.

Gayunman, nandoon naman ang kanilang kapitbahay na si Gener Bailoces, na kaagad na kumilos upang sigawan mula sa labas ang mag-iina habang unti-unting nilalamon ng apoy ang bahay.

Pero walang sumasagot sa mag-iina kaya napilitan na si Bailoces na kumilos at puwersahang sinira ang bahay upang makapasok at ginising ang mag-iina para mailabas sila ng bahay.

Maayos na ang lagay ng mag-ina, samantalang halos maabo ang bahay pagdating ng mga bumbero.

"Under investigation pa [ang dahilan ng sunog] pero sabi ng mga saksi galing daw sa kitchen," sabi ni FO1 Emmanuel Cuartel.

Hinala ng mga awtoridad, posibleng nasagi ng pusa ang lampara sa kusina na dahilan ng sunog.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News