Dinala sa presinto ang isang lalaki na nagpakilalang pulis matapos na pakitaan daw ng baril ang isang traffic constable ng Metro Manila Development Authority na sumita ang sinasakyan niyang UV express sa Commonwealth Avenue, Quezon City.

Sa ulat ni Cesar Apolinario sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, kinilala ang inarestong lalaki na napag-alamang retiradong pulis na si Robertson Estrella, at dating nakatalaga sa Bulacan.

Nangyari ang insidente nitong Lunes nang sitahin ng mga traffic constable ang UV express na sinasakyan ni Estrella dahil sa pagiging out of line nito.

Ngunit ayon sa mga tauhan ng MMDA, sa halip na ang driver ng UV express ang humarap sa kanila, ang galit na si Estrella ang kumausap sa kanila at nagpakilala raw na pulis.

"Sabi ko, 'Sir 'wag ka magmumura pakita ka ng ID kung pulis ka.' Saka niya hinugot sa bag 'yung kaniyang baril, 'Ito hindi pa sapat na pulis ako,'" sabi ng traffic constable na si Wilson Balceta.

Dahil duda ang MMDA enforcers kung pulis talaga si Estrella at may umiiral na Comelec gun ban dahil sa papalapit na barangay at SK election, ipinaalam nila sa pulisya ang insidente at dinala si Estrella sa Batasan police station.   

Sa presinto, itinanggi ni Estrella na nagpakita siya ng baril at sinabing maangas umano ang MMDA enforcer.

Nakita sa bag ni Estrella ang kaniyang baril na kalibre .45 at ID noong pulis pa siya sa Bulacan.

Bagaman may permit to carry ang baril ni Estrella, bawal itong dalhin sa labas ng bahay ngayon dahil sa umiiral na gun ban.

"From April 14 to May 21, lahat ng mga lisensya, permit to carry firearms outside the residence, lahat ito ay suspended," sabi ni Police Chief Superintendent Guillermo Eleazar, Director-QCPD.

Nahaharap ang dating pulis sa reklamong grave threat at paglabag sa Comelec gun ban.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News