Isang negosyante na tatlong dekadang nagtrabaho sa ibang bansa ang natangayan ng mahigit P8 milyon ng "Budol-budol" gang na gumamit ng gawgaw sa kanilang panloloko sa Bataan.

Sa ulat ni Victoria Tulad sa GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Biyernes, sinabi ng biktimang si Leonardo Austria ng Balanga, Bataan, nagsimula siyang kontakin ng mga suspek nang mag-post ang kaniyang anak sa Facebook kaugnay sa pinauupahan nilang apartment at isa pang property sa Bagac.

Nilapitan umano siya ng mga nagpakilalang ahente na na interesado sa kaniyang ari-arian at may kasabwat pa umanong importer ng chemical preservatives.

"Itong isang maliit na box na 'to ay worth P24,000. Kapag nakuha ka bilang middle man, finder's fee na tinatawag, may P1,000 ka in every small box, ang P1,000 sa iyo, ang P24,000 ay sa importer mo," kuwento ni Austria na isang resort owner.

Nagbigay umano ang biktima sa mga suspek ng paunang P1 milyon sa isang Antonio Laugan, alyas "Manny." Nasundan ito ng pagdating pa ng 250 kahon.

Pero nang buksan niya kalaunan ang mga kahon at ipasuri ang laman nito, dito na natuklasan ng biktima na hindi kemikal kung hindi gawgaw ang mga laman nito.

Nadakip na sa Laguna ang nakatransaksiyon niyang si Laugan, at sa Caloocan naman naaresto ang kasabwat na isang Jonathan Asuncion, alyas "Engineer."

Pero itinanggi ni Laugan ang alegasyon laban sa kaniya.

Sa imbestigasyon ng pulisya, lumitaw na hindi lang sa Bataan nag-o-operate ang naturang grupo na gumagamit ng gawgaw sa panloloko.

Patuloy na tinutugis ng mga awtoridad sa lima pang suspek.-- FRJ, GMA News