Kinikilan umano ng P25,000 ang isang senior citizen sa Maynila ng mga lalaking nagpakilala bilang mga inspektor ng Manila City Hall.

Sa ulat ni Emil Sumangil sa Balitanghali nitong Sabado, nakuhanan ng CCTV camera ang mga lalaki nang palabas sila ng bahay ng matanda.

Na-hulicam din ang asul na sasakyang ginamit nila na may plate number na WJV 162.

Ayon sa biktima, hiningi raw ng mga suspek ang libu-libong halaga bilang kapalit ng isang building permit.

"Sabi nga, meron kasing nag-ano nagreklamo. Sabi ko naman, 'sino ho 'yon?' Hindi naman nila sinasabi sa'kin. Then after that, (sabi nila) 'May penalty, ma'am. Ganito, kung gusto niyo, pag-usapan na lang natin. Magbigay kayo ng 25k, kami na ang bahala sa lahat," giit ng senior citizen.

Dagdag ng biktima, hindi siya kumuha ng building permit dahil ipina-renovate lang niya ang kanyang kwarto at hindi naman siya nagpadagdag ng palapag.

Sa reklamo ng biktima na inilagak sa Station 4 ng Manila Police District, nagpakilala umano ang isa sa mga suspek bilang isang Engineer Nicanor Reyes ng engineering department ng Manila City Hall. 

"Ang lumalabas, walang record sa City Hall. Even sa engineering office tsaka sa city personnel, walang Nicanor Reyes na Engineer ang Manila City Hall," ayon kay Police Officer 1 Danny Kabigting.

Samantala, itinimbre na ng pulisya sa Land Transportation Office ang plaka ng sasakyan ng mga suspek at nagsasagawa na ng mga follow-up operation ang mga awtoridad.

Nagbabala naman ang pulisya sa ganitong modus ng pangingikil na nangyayari sa loob at labas ng Metro Manila.

"'Pag may nagpakilala, hanapan n'yo ng mga ID tsaka dokumento regarding du'n sa mga tinatanong nila. So kung nagpakilala sila at medyo natatakot kayo, may malapit na barangay diyan. Puwede ninyong report sa barangay 'yan," dagdag ni Kabigting.

May mensahe rin ang biktima sa mga nangikil umano sa kanya: "May balik ang lahat ng 'yan. So sana, tumigil na kayo kung sinuman kayo." —Margaret Claire Layug/ALG, GMA News