Nakahanap ng kakaibang paraan ang isang lalaki sa Pasay City para batiin ang kaniyang pamilya sa Cebu sa pamamagitan ng CCTV na mistulang ginawa niyang TV camera.

Pero sa halip na TV camera, sa closed-circuit-television camera ng isang tindahan bumati ang lalaki na si John Rivera na tumatalon at kumakaway pa habang binabati ang kaniyang pamilya.

"Binabati ko sina mama ko, sila papa ko, buong pamilya ko sa Cebu! Mahal na mahal ko kayo! Ang saya-saya kuya Wil," pagbati niya sa CCTV.

Hindi malinaw kung si Willie Revillame ang tinukoy niyang 'Kuya Wil' dahil ito ang tawag ng host ng programang "Wowowin."

Maliban sa mga tao sa tindahan na nakakita sa ginawa ni Rivera, patok din sa netizens ang pampa-good vibes na ginawa niya dahil nag-viral ang kaniyang video na may mahigit 18,000 shares at mahigit 800,000 views.

Sa loob na kaya ng studio ng "Wowowin" susunod na babati si Rivera? Abangan natin. -- FRJ, GMA News