Aminado si Senador Benigno Paolo "Bam" Aquino IV na kailangang magpursige ang kanilang partido na Liberal Party para madagdagan ang mga kaalyado sa oposisyon na makapapasok sa "winning circle" sa darating 2019 senatorial elections.

Sa panayam ng mga mamamahayag nitong Lunes, sinabi ng senador na makikipag-usap ang partido sa mga non-traditional political organizations katulad ng simbahan, socio-civil organizations, at cause-oriented groups para makatulong upang maipanalo ang mga magiging kandidato ng oposisyon.

“Ang mahalaga, at least para sa amin sa oposisyon, magkaroon ng mas maraming numero dito sa Senado at maging mas independent 'yung ating Senado,” aniya.

Sa nakaraang survey ng Pulse Asia sa mga personalidad na napupusuan ng publiko na ibobotong senador, si Aquino pa lang ang kilalang mula sa oposisyon na nakapasok sa tinatawag na "magic 12."

“Natutuwa naman tayo sa nasama tayo sa list of possible winners pero sabi ko nga sana mas maraming nasa oposisyon ang makapasok din. Anyway isang taon pa naman po ‘yan. That only means kailangang doblehin ang efforts ng opposition para mas dumami kami na makasama sa Magic 12,” saad niya.

Sa ngayon, anim na senador lang ang miyembro ng minorya sa Senado. Pero naniniwala si Aquino na batid ng mga tao ang kahalagahan na maging indepediyente ang Senado.

“Sa palagay ko pagdating ng election, maa-appreciate ng taumbayan na kailangan ng oposisyon. Hindi kailangan na iisang panig lang at kung meron mang pagtutol na kailangang gawin, kailangan sapat ang aming numero sa Senado,” paliwanag niya.

“Panahon na na magsama-sama tayo and I think ang hinahanap ng tao hindi ‘yung mga lumang mukha at pangalan. Naghahanap sila ng mga bagong mukha at bagong pangalan para makita natin na ito ang bagong mukha ng oposisyon,” dagdag niya.

Ilan sa mga prominenteng pangalan sa hanay ng oposisyon na nakasama sa survey ng Pulse Asia ay sina dating Interior Secretary Mar Roxas, dating Bayan party-list Rep. Neri Colmenares, dating Quezon Rep. Erin Tañada, ACT Teachers Partylist Rep. Antonio Tinio, at Magdalo Party-list Rep. Gary Alejano.

Nang tanungin si Aquino kung makakasama si Roxas sa mga kandidato ng oposisyon, sinabi ng senador na hindi pa sila nagkakausap pero may mga grupo na naghihikayat sa dating kalihim na kumandidato.

Si Roxas ang naging presidential candidate ng LP pero natalo sa nakaraang 2016 elections.

Ayon kay Aquino, posibleng ilabas ng partido ang listahan ng kanilang mga kandidato bago sumapit ang Oktubre, ang deadline sa paghahain ng certificates of candidacy.

Maaari din umanong kumuha ng "guest candidates" mula sa mga re-electionist senator ang LP na nagtataguyod din sa pagiging indepediyente ng Senado.

“Sa aking experience sa politika, 'yung mga pangalan, lineup nangyayari kapag malapit na ang filing of candidacy. Sa tingin ko marami pang mangyayari.  A lot of things are still going to happen in our country. Baka 'yung ibang nasa kabilang panig, mag-iba ng panig. Who knows kung ano ang final lineup natin?” aniya.

Tungkol sa posibleng maging papel ni dating Pangulong Benigno "Noynoy" Aquino III sa kampanya ng LP, sinabi ni Bam na posibleng sumama sa pag-iikot sa panahon ng kampanya ang dating lider.

“Siyempre bilang isang former President marami pa ring mga tao na gustong malaman kung ano ang panig niya. I’m sure he will be supportive of the opposition, as well,” sabi ng senador. — FRJ, GMA News