Tatlong pulis na magkakapatid na pawang nakasibilyan ang sumugod umano sa bahay ng isang lalaki na nauna nilang nakagitgitan sa kalsada habang sakay ng motorsiklo sa Caloocan City nitong Linggo.

Sa ulat ni Oscar Oida sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabing nag-viral ang video na ini-upload ni Jessie Malaya, anak ng lalaking hinahanap umano ng magkakapatid na pulis, na makikita ang mainit na pakikipagsagutan nila sa tatlong pulis.

Kuwento ni Jessie, armado raw ang mga lalaki nang sumugod sa kanila at nagmumura pa umano na kinilalang sina Police Officers 1 Rendel Soriano Reniel Soriano, at Police Officer 3 Ralph Soriano.

Si Rendel ay nakatalaga sa Caloocan Police, samantalang sina Reniel at Ralph naman ay sa Philippine National Police Drug Enforcement Group at sa Northern Police District.

"Kala mo may operation eh bigla na lang hinarang 'yung mga motor sa gitna ng gate namin eh. Pagdating na pagdating pa lang ho nila Sir eh nagmumura," sabi ni Jessie.

"Inangat 'yung t-shirt kung saan nakasukbit 'yung mga baril nila, pumunta sila dito mga nakainom sabay may mga dalang baril, 'yung isa may dala pang posas. Then nung tinutukan namin ng mga cellphone, eh ang dami naming kumukuha ng video sa kanila, namomopo na," dagdag pa niya.

Sa video, sinasabi ng mga pulis na nais lang nilang makausap ang "tao" na tumutukoy sa ama pala ni Jessie.

Humupa lang umano ang tensyon nang pumagitna ang tiyuhin ni Jessie na isang retiradong pulis. At makaraan ng ilang sandali, umalis na rin ang magkakapatid.

Ayon sa ulat, napanood na ng hepe ng Caloocan police ang insidente. Ipinagutos na rin niya ang pagdisarma kay Rendel habang sumasailalim sa imbestigasyon.

"Hindi naman namin tinotolerate 'yung mga pulis namin kung talagang meron silang ginawa na hindi tama," sabi ni Police Superintendent Restituto Arcangel, hepe ng Caloocan police.

Ayon sa ulat, hindi muna nagbigay ng pahayag ang mga pulis na sangkot sa insidente. -- Anna Felicia Bajo/FRJ, GMA News