Tinawag na "stupid" ng isang dayuhan ang mga tauhan ng Metro Manila Development Authority matapos sitahin ang sinasakyan niyang kotse dahil sa iligal na pagparada sa Ortigas Center, Pasig. Ang taga-MMDA, hindi pinalampas ang pang-iinsulto ng dayuhan.


Sa ulat ni Mark Salazar sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing nagalit ang dayuhan dahil naghahabol umano ito ng kaniyang "flight."

Pero hindi basta tinanggap ng MMDA ang dahilan ng dayuhan dahil hindi ibinigay ng kasama niyang drayber ang lisensiya para matiketan bunga ng paglabag sa iligal na pagparada.

Dito na ilang ulit sinabihan ng dayuhan na "stupid" ang mga tauhan ng MMDA.

Pero hindi pinalampas ni MMDA Special Clearing Operations Group head Bong Nebrija ang pang-iinsulto ng dayuhan at iginiit na ipinatutupad lang nila ang batas.

"We are not stupid. We are enforcers of the law. You do not call us stupid, you are in our country. We are enforcing the law," giit ni Nebrija sa dayuhan na tila nahimasmasan at humingi ng paumanhin.

Kung ibinigay lang umano kaagad ng drayber ang lisensiya nito, hindi raw tatagal ng dalawang minuto ang pagbibigay ng tiket sa ginawang paglabag.

Hindi lang ang dayuhan ang nasampolan ng isinagawang operasyon ng MMDA sa Ortigas Center upang mapaluwag ang mga kalsada sa lugar.

Maging ang police mobile na kasama sa security deployment para sa gaganaping pagtitipon ng Asian Development Bank Annual Board of Governors Meeting sa Ortigas, sinita dahil makakaabala sa daloy ng trapiko.

Maging ang estruktura na nakahambalang sa mga bangketa, pinatatanggal ng MMDA na ikinatuwa naman ng mga naglalakad.

Inaasahang magsisikip ang daloy ng trapiko sa Ortigas Center at maging sa Ortigas Extension hanggang Rosario, kapag nagsimula na ang pagtitipon ng ADB simula sa Mayo 3 hanggang May 6.-- FRJ, GMA News