Isang Overseas Filipino Worker sa Saudi Arabia ang natagpuang patay sa loob ng sasakyan nitong Lunes ng gabi, ayon sa opisyal ng Philippine Consulate General sa Jeddah.

Sa panayam ng GMA News kay Consul General Edgar Badajos, sinabi nito na nakatanggap sila ng impormasyon tungkol sa OFW na nagngangalang Nasser Musa, 53-anyos, na pinatay umano sa saksak.

Kaagad umanong nagpadala ng case officers sa lugar at nakita ang biktima sa sasakyan na wala nang buhay.

Ayon kay Badajos, nagtamo ng limang saksak sa katawan ang OFW.

Nasa kostudiya na umano ang mga awtoridad ang suspek na iba ang lahi.

Sinabi ni Badajos na nakikipag-ugnayan na sila sa pamilya ni Musa, na tubong Lanao del Sur, at nagtatrabaho sa KSA bilang merchandiser.

Nangako si Badajos na gagawin nila ang lahat para mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng OFW.

“Gagawin po namin ang lahat ng aming makakaya para mapanagot ang may sala sa pagkamatay ni Musa at iyan rin po ang aming ipinaabot sa kaanak ng namatay na OFW,” saad ng opisyal.

Dinala ang mga labi ni Musa sa Al Noor Specialist Hospital sa Makkah, mahigit dalawang oras ang layo sa Philippine Consulate sa Jeddah.— Ronaldo  Concha/FRJ, GMA News