Humingi ng tulong ang isang babaeng OFW sa mga awtoridad nang mawala ang maleta niyang puno ng pasalubong para sa kaniyang dalawang anak at mga kamag-anak.

Ayon sa ulat ni Jun Veneracion sa "24 Oras" nitong Miyerkules, isa lang sa mga check-in baggage ni Khrishna ang nakuha niya sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 nang dumating ito mula Dallas, Texas sa Amerika nitong Linggo.

Naghain si Krishna ng reklamo sa kanyang sinakyang airline na Air China.

Sa isang sulat, humingi ng paumanhin ang kumpanya at nagsabing gumagawa na sila ng paraan para mahanap ang nawawalang bagahe.

"We're sorry to hear that your baggage did not arrive at the (NAIA) on the same flight," sabi ng Air China.

Humingi rin ng tulong si Krishna sa mga opisyal ng paliparan: "Sa NAIA terminal po, sana po, tulungan n'yo ako du'n sa bagahe ko po kasi noong Thursday pa 'yun."

Ayon sa Manila International Airport Authority (MIAA), kargo na raw ng Air China ang insidente pero nangako ito na tulungan si Krishna kung hindi umaksyon ang kumpanya.

"'Yan po ay iti-trace ng airline. Normally po mga seven days tracing up to 21 days," giit ni Ed Monreal, ang general manager ng MIAA.

Naglabas ng sama ng loob ang OFW sa pagkawala ng kagamitang matagal na niyang pinaghirapan sa ibang bansa.

"Katas 'yun ng pinaghirapan ko doon. Trabaho, 'yung puyat. Tapos isang iglap lang mawawala," sabi ng biktima. —Margaret Claire Layug/NB, GMA News