Kulungan ang bagsak ng mag-amang Hapon na sina Hajime at Yuya Kawauchi, edad animnapu't isa at tatlumpu't lima, at kanilang kasambahay na si Lorena Mapagdalita, edad limampu't anim.

Ayon sa ulat ni Tek Ocampo sa Balita Pilipinas nitong Martes, ilang menor de edad na Japanese national ang inabuso umano ng tatlo sa Island Garden City of Samal sa Davao del Norte.

Ini-report daw ng mga suspek na nawawala ang ilang menor de edad na dating nasa training school nila sa Toril Babak district.

Nagpunta ang mga pulis sa paaralan, kung saan sila nilapitan ng mga iba pang menor de edad na nasa paaralan. Tumakas daw ang ilan nilang kasama dahil sa umano'y pangmamaltrato sa kanila.

Base sa imbestigasyon, nangako ang mga suspek sa mga magulang ng mga menor de edad na pag-aaralin ng Ingles at martial arts ang mga anak dito sa Pilipinas.

Bayad na raw ang tuition ng mga estudyante, at nagpapadala ang kanilang mga magulang ng 100,000 pesos kada buwan bilang allowance.

Pero 2,000 pesos lang daw ang napupunta sa mga menor de edad.

Tumangging magbigay ng pahayag ang dalawang dayuhang suspek.

Ang inarestong Pilipina, iginiit na wala siyang ginagawang mali.

Mahaharap ang tatlo sa reklamong paglabag sa special protection of children against abuse, discrimination and exploitation.

Ang mag-amang Kawauchi, mahaharap din sa reklamong paglabag sa Anti-trafficking in Persons act.

Ang apat menor de edad na naunang tumakas, nasa Embahada na ng Japan.

May siyam namang nailigtas ang mga awtoridad sa paaralan at nasa kustodiya na ng DSWD. —JST, GMA News