Sinampahan ng reklamong katiwalian sa Ombudsman si Solicitor General Jose Calida nitong Huwebes kaugnay ng kanya umanong patuloy na pagkakaroon ng shares sa negosyo ng pamilya, pagtataksil sa asawa, at pagkiling sa pamilya Marcos.

Isang private citizen na si Jocelyn Marie Acosta-Nisperos ang namuno sa paghahain laban kay Calida ng reklamong paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act at ng Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials.

Inakusahan ni Nisperos ang may-asawang si Calida ng pagkakaroon ng relasyon sa kanyang 22-anyos na executive assistant, na nakatanggap daw ng P1.8 million mula sa pamahalaan.

Inamin naman ni Nisperos na wala siyang matibay ebidensya bukod sa impormasyon galing sa kanyang mga "verified sources."

"I acknowledge we do not have hard evidence when it comes to the relationship. But the eyewitness reports are strong, very credible ang witnesses. We beseech the Ombudsman to investigate this relationship," sabi ni Nisperos.

Ayon pa kay Nisperos, hindi nagawang pakawalan ni Calida ang 60-percent capital stock niya sa negosyo ng kanyang pamilya nang ma-appoint siya bilang Solicitor-General noon 2016.

Ang kanyang asawang si Milagros at ang kanilang tatlong anak ay may tig-10 percent na sapi sa kanilang negosyong Vigilant Investigative and Security Security Agency Inc. (VISAI).

Sabi ni Nisperos ang VISAI ay nakakuha ng mga kontrata sa apat na ahensya ng pamahalaan —the National Economic Development Authority, National Anti-Poverty Commission, Philippine Amusement and Gaming Corporation, at National Parks Development Corporation.

"Respondent engaged in unlawful, dishonest, and deceitful conduct. His bad faith is evident from his and his family’s continued ownership of VISAI with VISAI getting several government contracts," sabi Nisperos.

Ang basehan naman ng pagkiling daw ni Calida sa mga Marcos ay ang nasabi ni dating PCGG commissioner Ruben Carranza na hindi na hinahabol ng pamahalaan ang nakaw na yaman ng pamilya.

Kinukuha pa ng GMA News Online ang komento ni Calida sa mga paratang ni Nisperos. —NB, GMA News