Pinatunayan ng isang 65-anyos na barangay tanod sa Lapu-lapu City, Cebu na karapat-dapat siya sa kaniyang trabaho matapos niyang isauli sa may-ari ang nakita niyang bag na may lamang P200,000 cash.

Sa ulat ni Nikko Sereno sa GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Biyernes, sinabing nakita ng tanod na si Leandro Tampus-Ngujo ang bag na naiwan sa mismong barangay hall ng Gun-ob sa Lapu-lapu City.

Napag-alaman na nagtungo sa barangay hall ang may-ari ng bag na nakilalang si Marj Cometa. Hindi niya sinasadyang makalimutan at maiwan ang bag na may lamang pera na pampasahod sa mga tauhan matapos ang kaniyang nilakad sa barangay.

Dahil sa kombinsido siyang sa barangay hall niya naiwan ang bag, nagbalik si Cometa sa lugar at doon na iniabot sa kaniya ni Tampus-Ngujo ang bag at ang kaniyang pera.

Ayon kay Tampus-Ngujo, hindi sumagi sa isip niya na pag-interesan ang pera kahit pa sa may mga pangangailangan din siya.

Labis-labis naman ang pasasalamat ni Cometa sa nakatatandang tanod, na isang taon pa lang na nagseserbisyo sa lugar.-- FRJ, GMA News