Hindi naging hadlang kay Nova Fossgard ng Zambonga del Sur ang kahirapan para makamit niya ang pinapangarap na kaginhawahan sa buhay.  Ang dating tindera ng isda na naging kasambahay at OFW sa Hong Kong, isa na ngayong milyonarya na may sariling paaralan sa London, at ekta-ektaryang lupain sa kaniyang lalawigan.

Kuwento ni Nova sa "Kapuso Mo, Jessica Soho," determinasyon sa buhay at edukasyon ang naging susi para makamit niya ang tagumpay at maiahon sa hirap ang kaniyang mga mahal sa buhay.

"Mag-aral," payo ni Nova. "Kapag ang tao may dream huwag kang gagapang, kailangan takbo ka palagi. Baka yung pintuan na 'yan [ng oportunidad] na bukas, 'pag hindi mo pinasok, mami-miss mo."

Sa kagustuhang makapagtapos, nagsilbi siyang kasambahay sa kaniyang kamag-anak. Nang makapagtapos sa kolehiyo sa kursong accountancy, nabigo naman siyang makapasa sa board exam.

Pero tila itinakda talaga iyon ng tadhana dahil ang kasunod ng kabiguan sa board exam ay pagkakataon niya na makapagtrabaho bilang tagapag-alaga ng mga bata sa Hong Kong. At mula sa Hong Kong, ipinadala naman siya ng kaniyang amo sa London para alagaan ang mga magulang ng kaniyang amo.

Sa London, nakilala niya ang kaniyang naging asawa, na naging katuwang niya upang unti-unting maabot ang pinapangarap niyang pag-asenso sa buhay.

Kung papaano nila ito nagawa, panoorin ang episode na ito ng "KMJS."  Samahan din si Nova sa muli niyang pagbabalik sa kaniyang lalawigan para sariwain ang kaniyang mga nakaraan sa buhay bilang isang tindera ng isda at ang isang probinsiyana na puno ng pangarap.


 

Click here for more GMA Public Affairs videos

--FRJ, GMA News