Isang nanalong kapitan sa isang barangay sa Makilala, Cotabato ang nahulihan ng limang pakete ng hinihinalang shabu at bala sa loob mismo ng kaniyang tahanan.

Sa ulat ni Ian Cruz sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, kinilala ang suspek na si Melvin Fortajada ng Barangay Malasila.

Paliwanag ni Fortajada, itinanim lamang ang mga ebidensya laban sa kaniya. Hindi rin siya kabilang sa listahan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ng mga opisyal ng barangay na sangkot umano sa iligal na droga.

Gayunman, umamin ang suspek na dati siyang nalulong sa bisyo at sumuko sa Oplan Tokhang noong 2016.

Nasa kustodiya na ng pulis si Fortajada habang inihahanda ang mga kasong isasampa laban sa kanya.

Sa Bataraza, Palawan naman sugatan matapos barilin ang nanalong kagawad sa Barangay Culandanum na kinilala bilang si Viscay Pillar.

Kasalukuyang iniimbestigahan pa ang insidente upang matukoy ang suspek at motibo sa krimen.

Nagkaroon naman ng engkuwentro sa isang lugar sa Datu Montawal, Maguindanao matapos magaway-away ang mga armadong taga-suporta ng dalawang tumatakbong kapitan ng Barangay Dungguan. 

Hindi umano matanggap ng isang kandidato ang kanyang pagkatalo.

Ganito rin ang naramdaman ng isang kandidato sa Porac, Pampanga kung saan tinalo siya ng isang lalaki sa pagka-kapitan na tatlong taon nang nakakulong dahil sa kasong murder at carnapping.

"Bakit nakapag-file ng COC (Certificate of Candidacy) 'yung nakakulong? Paano siya uupo eh nakakulong siya?" sabi ng nagrereklamong si Liza Tolentino.

Sabi naman ng Commission on Elections (Comelec), maaari pa ring makatakbo ang isang taong nakakulong lalo na kung wala pang pinal na pasya sa kaniyang kaso.

"Unless meron po siyang final conviction sa case, dun lang po siya disqualified. Pero kung pending lang po ang case niya, wala siyang disqualification," paliwanag ni Attorney Lydia Pangilinan, provincial election supervisor.

Samantala, maluwag namang tinanggap ng isang kandidato sa Maribojoc, Bohol ang kanyang pagkatalo kahit na nauna silang nagtabla ng kanyang kalaban na kalaunan ay idinaan na lamang sa bunutan ang resulta. —Anna Felicia Bajo/NB/FRJ, GMA News