Bangkay na nang matagpuan ang isang babae sa loob ng bahay ng lalaking kaniya umanong nakaalitan sa Biñan City, Laguna. Ang biktima, pinagsasaksak umano ng suspek gamit ang "saw file."

Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "Balita Pilipinas" nitong Miyerkoles, kinilala ang biktima na si Mary Joy Demetillo, na natagpuan sa bahay ng suspek na si Efrel Pabalan sa Brgy. Dela Paz.

Ayon sa pulisya, nagkaroon ng mainit na pagtatalo ang dalawa bago nangyari ang krimen.

Tinangka pa umano ni Pabalan na tumakas ngunit naabutan siya ng mga awtoridad.

Nahaharap si Pabalan sa reklamong murder, at hindi pa siya nagbibigay ng pahayag.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa relasyon ng dalawa at kung ano ang kanilang pinagtalunan.

Samantala sa Baao, Camarines Sur, patay rin sa pananaksak ang isang empleyado ng bakery matapos makaalitan naman ang suspek na nakamotorsiklo.

Kinilala ang biktima na si Erwin Brizuela, na nasawi sa Brgy. San Isidro ng nasabing bayan.

Ayon sa kapatid ni Brizuela na si Gilbert Brizuela, papasok noon ng trabaho at naghihintay ng masasakyan ang biktima nang mahagip siya ng motor ng suspek na si Mario Caguimbal.

"Nasagi siya ng motor tapos po nagkasagutan sila," ayon kay Gilbert.

Dagdag pa ni Gilbert, nagalit ang suspek nang komprontahin ng kaniyang kapatid, at naghamon pa ito ng away na nauwi sa krimen.

"Biglang huminto sa tabi ng biktima at bumunot ng patalim at walang atubiling sinaksak 'yung biktima," saad ni PO2 Santiago Tampoco ng PIO - Baao Police.

Sinubukang tumakbo ng biktima pero bumagsak ito sa gilid ng highway at namatay.

Agarang tumakas si Caguimbal, na pinaghahanap ng pulisya sa kasalukuyan. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News