Nauwi sa mainit na palitan ng mga suntok at sipa ang dalawang motorista matapos silang magkagitgitan at magkainitan sa kalsada sa Malate, Maynila.

Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News "24 Oras," sinabing nangyari ang insidente bago mag alas-3 ng hapon nitong Martes sa kalye sa Pablo Ocampo.

Makikita sa video na inunahan at inipit ng passenger van ang isang mini-SUV sa kalye.

Magkasunod ang pagbaba ng dalawang driver.

Umamba ang driver ng passenger van na hahatawin ang driver ng SUV, ngunit naunahan siyang suntukin sa kaliwang panga ng kaniyang kaaway.

Napaatras ang van driver at dito siya muling hinabol at nasuntok ng SUV driver.

Naawat sila at lumamig ang sitwasyon pero makalipas ang ilang sandali, muli silang nagpang-abot, at muling nagkatadyakan at suntukan.

Naawat na lamang ang dalawang driver nang dumating ang traffic enforcer, at sila'y napaghiwalay.

Walang nagsampa ng reklamo sa magkabilang panig pero ayon sa mga awtoridad, nagka-initan na ang dalawa bago pa lang sumapit sa kalye sa Pablo Ocampo.

"Dapat 'yung tolerance natin sa pagpapasensiya dapat malaki kasi uunawaan dapat natin 'yung kapwa natin driver. Baka kaya nagmamadali, mainit ang ulo, napagalitan ng asawa o may problemang malaki. Kaya dito sa atin, unawaan at bigayan," sabi ni chairman Jaime Adriano ng Brgy. 719 Zone 78. —Jamil Santos/NB, GMA News