Iniutos umano ni Pangulong Rodrigo Duterte nitong Miyerkoles ng gabi na alisin na ang total deployment ban sa Kuwait, na ipinatupad simula noong nakaraang Pebrero.

Ang direktiba ay inilabas ni Duterte ilang araw matapos pirmahan ng Pilipinas at Kuwait ang kasunduan na magbibigay ng dagdag na proteksyon sa mga OFW na nagtatrabaho sa nabanggit na bansa sa Gitnang Silangan.

"Upon recommendation of Special Envoy to Kuwait Abdullah Mama-o, President Rodrigo Roa Duterte tonight instructed [Labor] Secretary Silvestre Bello to totally lift the ban on deployment of Filipino workers to Kuwait," ayon kay presidential spokesperson Harry Roque.

Bago nito, unang inihayag ng pamahalaan ang pag-alis ng deployment ban para sa mga skilled and semi-skilled workers.

Pero dahil sa naturang direktiba ni Duterte, maaari na ring magpadala ng mga household service worker o domestic helpers sa Kuwait.

Ipinatupad ang deployment ban sa Kuwait kasunod ng pagkakadiskubre sa bangkay ng OFW na si Joanna Demafelis sa loob ng freezer.

Tinatayang nasa 260,000 Filipinos ang naninirahan at nagtatrabaho sa Kuwait, na karamihan ay mga household service workers. — FRJ, GMA News