JEDDAH—Sinaksak ng isang pasyenteng Arabo ang isang Pinoy nurse sa Saudi Arabia sa ospital na pinagtatrabahuhan nito sa siyudad ng Madinah noong nakaraang Huwebes ng gabi.

Kinilala ang biktima na si ER nurse Rolando Mina na nagtamo ng apat na saksak sa magkabilang braso.

 

Nurse Rolando Mina. --Photo by Ronaldo Concha

Ligtas na sa kapahamakan at ngayoy nagpapagaling sa ICU nang ospital si Mina.

Makikita sa CCTV footage na ipinadala ng biktima sa GMA News ang aktuwal na nangyari sa kaniya nang bigla siyang lapitan ng isang Arabo at pagsasaksakin.

Sa panayam ng GMA News, sinabi ni Mina na abala siya noon sa kaniyang trabaho nang  hindi niya namalayan ang paglapit sa kaniya ng isang lalake. Laking gulat daw niya nang bigla siyang pagsasaksakin nito.

“Nung una po ay hindi ako naka react, akala ko ay sinusuntok lang ako kaya sinasalag ko po, hindi ko alam na may hawak na siyang patalim that time, hindi ko po nararamdaman ang mga saksak niya sa akin kasi parang manipis po ang ginamit niyang panaksak.”

Tatlong saksak daw ang tumama sa kaniyang kaliwang braso at isa naman sa kanan.

Agad umanong sumaklolo ang kaniyang mga kasamang duktor at inawat ang lalaki.

Bagamat hindi na raw niya matandaan kung saan niya nakausap ang suspek, sinabi ni Mina na base sa report na ipinarating raw sa kaniya, ang hindi raw niya pagbigay ng gamot ang dahilan kaya raw nagalit ang suspek at binalikan siya. 

Paliwanag ni Mina, protocol sa kanilang pinagtatrabahuhang ospital na kailangang may reseta ng duktor ang pasyente bago sila magbigay ng gamot.

Sinabi naman ni Philippine Consul General sa Jeddah Edgar Badajos na ligtas na sa kapahamakan si Mina habang ang suspek naman daw ay nahuli ilang oras matapos ang pananaksak at ngayo'y nakakulong at iniimbestigahan na.

Pahayag ni Badajos, itinuturing na isolated case ang nangyari kay Mina dahil wala pa naman daw napapabalitang pag-atake ng isang pasyente  sa mga medical workers na tulad ni Mina. —LBG, GMA News