Napipiit ngayon sa kulungan ang isang dating boksingerong kampyeon matapos mahulihan siya ng ilegal na droga sa isang buy-bust operation sa Trece Martires, Cavite.

Ayon sa ulat ni Bam Alegre sa Unang Balita nitong Lunes, nahanapan ng mga awtoridad ng dalawang paketeng hinihinalang shabu at P200 na buy-bust money ang dating WBC Flyweight Division champion na si Randy Mangubat.

Umamin si Mangubat na nauwi siya sa pagtutulak ng droga matapos itong umalis sa pagboboksing at nagkaroon ng problema sa pera at sa asawa.

Nangako ang dating kampyeon na magbabagong buhay siya sa oras na matapos ang kanyang sentensya para sa paglabag ng Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 o Republic Act No. 9165. —Rie Takumi/KG, GMA News