Dalawang overseas Filipino workers (OFWs) sa Saudi Arabia ang namatay nang masunog ang kanilang tinutuluyan, ayon sa opisyal ng Philippine Consulate General sa Jeddah.

Sa panayam ng GMA News kay Consul General Edgar Badajos, sinabi nito na naganap ang sunog dakong 10:00 pm sa Najran province, isang probinsiya sa Western Region ng Saudi Arabia.

Sinabi ni Badajos na nagpadala na sila ng team sa lugar ng insidente para makakuha ng detalye at maasikaso ang mga labi ng dalawang OFW.

Base sa inisyal na impormasyon na natanggap ng konsulado mula sa kumpanya ng mga namatay na OFW,  sinabi ni Badajos na posibleng electrical connection ang dahilan ng sunog.

Hindi muna pinangalanan ni Badajos ang dalawang OFW na namatay habang hindi pa nakokontak ang mga pamilya nito. — Ronald Z. Concha/BAP, GMA News