Nagkaroon na ng katuparan ang pangarap ng isang pari sa Sta. Clara, Lamitan sa Basilan na nagtinda ng isda noong nakaraang taon para maipagawa ang kanilang simbahan.

Mayo 2017 nang maitampok sa GMA News TV "News To Go" ang ginagawang pagtitinda ng isda ni Fr. Joel Silagpo upang makalikom ng pondo upang maipagpatuloy ang pagpapagawa ng kanilang simbahan.

Kulang na kulang kasi ang nalilikom nilang pondo mula sa donasyon para maipagawa ang simbahan kaya naisipan ni Fr. Silagpo na magtinda ng isda sa gilid ng kalsada para makatulong.

Kahit karamihan sa mga residente sa lugar ay mga Muslim, tinulungan siya ng mga tao doon dahil sa kaniyang magandang hangarin.

 


Mula nang maitampok sa "News To Go" ang ginawang pagtitinda ng isda ng pari,  marami na umano ang tumawag kay Fr. Silagpo na handang magkaloob ng tulong para maipagawa ang simbahan.

Nitong nakaraang linggo, pinasinayaan na ang simbahan na San Antonio de Padua sa pangunguna ni Archbishop Martin Jumoad, na dinaluhan ng mga taga-parokya.

 


Hindi raw inakala ni Fr. Silagpo ang pagbuhos ng tulong para maipagawa ang simbahan kaya labis-labis ang kaniyang pasasalamat sa lahat ng naghandog ng suporta. -- Peewee Bacuño/FRJ, GMA News