Nagkaroon ng tensyon sa St. Peter Parish Church sa Commonwealth Avenue, Quezon City, matapos magkaroon ng pagtatalo sa pagitan ng ilang motoristang ilegal umanong nakaparada sa simbahan at ng Metro Manila Development Authority (MMDA).

Kabilang sa mga nasangkot ang nagpakilalang dating kongresista na si dating Pampanga Representative Emigdio Lingad.

Sa ulat ni Mark Salazar sa Balitanghali nitong Miyerkoles, sinabing bago naganap ang pag-tow ng MMDA, inanunsyo na ng simbahan sa mikropono ang gaganaping clearing operations.

Ilang beses na ring binalikan ng MMDA ang mga sasakyan para bigyan ng babala ang mga motorista.

Nag-anunsyo pa ang simbahan sa mikropono na may clearing operations at nagpaalalang ang mabuting Kristyano ay sumusunod sa batas.

Isa sa mga motoristang lumabas sa simbahan si Lingad.

Pauwi na sana ang opisyal, kaso color coding ang kaniyang sasakyan kaya siya titiketan.

Ngunit kaniyang depensa, malapit lang ang kaniyang bahay. Hindi siya pinagbigyan ng MMDA.

Ayon kay Lingad, "excessive at abusive" ang MMDA sa kanilang naging regulasyon.

Bukod sa dating opisyal, dalawang motoristang babae pa ang nakipagtalo sa MMDA.

Giit nila, walang karatulang No Parking o Tow Away Zone na naka-display sa tapat ng simbahan.

Ngunit hinila ang kanilang sasakyan dahil naabutan sila ng 5-minute grace period ng MMDA.

Paliwanag ni Bong Nebrija, hepe ng Task Force Special Operations ng MMDA, itinuturo sa seminar ng pagkuha ng driver's license na tow-away zone ang lahat ng national road tulad ng Commonwealth Avenue, kaya hindi na kailangan humanap pa ng karatula ang mga motorista para sumunod sa batas.

Nagsagawa rin ng clearing operations ang MMDA sa Luzon Avenue, kung saan ilang motorista rin ang nahilahan.

Naging problema pa rin ang obstruction, pila ng carwash at negosyo sa bangketa ng IBP road.

Nagkapikunan pa ang isang residente at isang miyembro ng Clearing Operations matapos makipag-agawan ng residente para sa kaniyang tarpaulin, na kaniyang ikinatumba.

Hinimok ni Nebrija ang residente na mag-file ng formal complaint sa MMDA. —NB, GMA News