Lumabas sa pag-aaral na nahahalo na sa mga kinakain ng tao ang mga plastic na natatagpuan sa mga karagatan sa pamamagitan ng mga ginagamit na asin.

Ito ang inihayag ng University of California sa Amerika, kung saan pumapangatlo ang Pilipinas sa may pinakamaraming basurang plastic na itinatapon sa dagat, kasunod ng China at Indonesia, ayon sa ulat ni Doc Nielsen Donato sa Unang Balita nitong Biyernes.

Ayon pa sa ginawang eksperimento ng foreign scientists, nagpositibo sa microplastic ang 16 mula 17 salt samples na kanilang mga nakalap mula sa Australia, Japan, Portugal, France, Malaysia, Iran, New Zealand at South Africa.

Sa tulong ni Dr. Jose Isagani Janairo, biologist sa De La Salle University, sinuri ni Donato ang apat na iba'tibang samples ng asin upang tingnan kung mayroon itong microplastic.

Na-dissolve) sa tubig ang samples saka idinaan sa vacuum filter. Ito'y pinatuyo at tiningnan sa microscope.

Ayon kay Donato, positibo sa microplastic ang apat na samples.

"We should interpret with caution 'yung mga resulta natin kasi kailangan pa natin maberipika. Nagpapakita ito na talagang kailangan natin pag-ibayuhin pa 'yung pangangalaga sa ating kapaligiran," pahayag ni Janairo. —Jamil Santos/LBG, GMA News