Nakapagpiyansa ngunit namatay bago makalaya ang isang preso ng Manila Police District (MPD) Station 11, ayon sa ulat ng GMA 7 news program "24 Oras Weekend" nitong Sabado.

Kinilala ang 25-anyos na biktima bilang si Johnny Vallente na inaresto nitong June 6 para sa kasong estafa.

Hindi daw ito nakapagbayad ng mahigit P2,000 na kinain niya sa isang kainan sa Sta. Cruz, Maynila.

Ayon sa spot report ng PS-11, kinasuhan din ito ng "disobedience to authority" matapos daw niyang murahin ang mga awtoridad na nakiusap sa kanyang bayaran ng bill.

Na-inquest si Vallente sa parehong kaso sa parehong araw.

Nakapagpiyansa siya nitong Lunes ngunit napansin daw ng ibang mga preso na nahirapan itong huminga bandang 12:30 p.m.

Dinala si Vallente sa ospital pero idineklara siyang dead on arrival.

Ayon sa kapatid niyang si Nicolas Vallante, walang nakamamatay na sakit si Johnny.

Tinutulungan ng Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) ang pamilya na humihingi ng hustisya para sa kanyang pagkamatay.

"'Yun lang po, 'yung mabigyan ng hustisya 'yung kapatid ko po," sabi ni Nicolas.

Ayon sa VACC, nakatanggap daw sila ng impormasyon na may pinagbantaan siyang pulis habang ito ay nakakulong.

Hindi nila itinukoy kung saan galing ang impormasyon o kung sino ang pulis na pinagbantaan niya.

"'Yung bata yata ay parang pinagbantaan yata 'yung isa sa mga pulis na 'Babalikan kita.' So nakakulong pa siya," sabi ni Marlo Raymundo ng VACC.

Dagdag nito, "Nakapagtataka ro'n, bakit namatay ng ganu'n kaya dinala sa ospital? Something fishy na may nangyari sa kanya because of that threat... Maaring mag-retaliate against the threat."

Sa Lunes pa daw ilalabas ang autopsy report  sa bangkay ni Vallante, pero ayon sa naunang report ng MPD PS-11, "septic shock" ang ikinamatay nito. — Margaret Claire Layug/DVM, GMA News