Umabot sa P21.2 million ang halaga ng cocaine na nasabat ng mga awtoridad mula sa isang mangingisda sa Infanta, Quezon.

Sa ulat ng GMA 7 news program "24 Oras Weekend" nitong Sabado, hindi nakatakas sa operasyong kontra-droga si Aldrin Taharan na nagbebenta umano ng cocaine pati sa mga dayuhan.

Itinuro niya sa mga pulis kung saan nakabaon ang apat na kahon ng cocaine

Ayon sa PNP Calabarzon, posibleng kasama ito sa P168 million na halaga ng droga na natagpuang palutang-lutang sa dagat sa Camarines, Norte nitong Abril.

Batay sa impormasyon ng mga awtoridad, meron pang mga nawawalang ilegal na droga.

Nanawagan sa mga mangingisda ang hepe ng PNP Calabarzon na si Chief Superintendent Edward Carranza: "Mas okay sigurong mamuhay tayo ng tahimik, walang  kaba. Kung meron pa kayong ipinahahawakan, mas maganda, i-surrender n'yo na."

Kontra-droga sa Bacoor

Sa mga operasyong kontra-droga sa Bacoor, Cavite, pinasok ng mga operatiba ng sabay-sabay ang tatlong bahay.

Inaresto si Jose Velasco, na humaharap sa kasong illegal possession of firearms. Hindi lisensyado ang calibre .38 revolver na narekober ng mga operatiba.

Dati nang na-rehab dahil sa droga ang suspek.

Isang double-barrel na shotgun naman ang nahanap  sa iba pang target, kasama ang P120,000 na halaga ng droga.

Nakatakas ang isa sa mga target sa operasyon.

Ayon kay Senior Superintendent William Segun, provincial director ng Cavite PPO, pinaiigitingan nila ang mga kampanya laban sa kriminalidad at sa loose firearms.

"Tuloy-tuloy ang kampanya natin dito sa loose firearms atsaka sa drugs kasi kalimitan sa mga major incident dito 'yung mga crime incidents, kahit saan naman, kaakibat talaga 'yung drugs atsaka 'yung baril," dagdag ni Superindendent Vic Cabatingan, hepe ng Bacoor police.

Arestado din sa Cavite City ang dalawa pang umano'y tulak ng droga na nahaharap sa kasong paglabag sa  Dangerous Drugs Act. — Margaret Claire Layug/DVM, GMA News