Filtered By: Topstories
News

7 drug suspect, huli sa magkakahiwalay na operasyon sa Cavite at QC


Huli ang pitong drug suspect sa magkakahiwalay na operasyon ng mga pulis sa Cavite at Quezon City.

Sa ulat ni John Consulta sa Balitanghali, dalawang suspek ang timbog sa isang drug buy-bust operation sa Cavite.

Ang mga suspek ay nagbebenta umano ng sari-saring pinagbabawal na droga katulad ng  marijuana, shabu and cocaine.

“Kapag pumasok ka doon , kapag gusto mo ng marijuana, meron siya marijuanang, kung gusto mo ng shabu, meron din siya, at kung gusto mo ng cocaine, meron din siya,” sabi ng hepe ng Bacoor Police, Police Superintendent Vic Cabatingan.

“Ginagamit nila ito sa mga party. So ang subject ng mga ito, mga estudyante,” dagdag niya.

Bukod sa buy-bust money, nakumpiska rin sa mga suspect ang P60,000 na halaga ng shabu, cocaine at marijuana.

Sabi ng isa sa mga suspek na ang pag-iipon ng pera at kagustuhang makita ang anak ang nag-udyok sa kanya para pumasok sa illegal na gawain.

“Gusto ko lang pong makaipon at makita ko yung anak ko... nasa Roxas, Capiz,” aniya.

Tinutunton ngayon ng pulis ang mga naging ka-transaksyon ng mga suspek sa tulong ng kanilang ginamit na cellphone para matukoy ang kanilang supplier.

Kung makikipagtulungan daw ang mga barangay captain, masasawata raw lahat ng drug suspect sa Bacoor, ayon kay Cabatingan.

“Talagang makipagtulungan sa ating ang barangay captain at sa kaniyang mga barangay kagawad,” sabi Cabatingan.

“Talagang makukuha natin yung objective na zero drug dito sa Bacoor, kasi sila po ang nakakaalam kung sinu-sino ang gumagamit sa kanila,” dagdag niya.

Samantala sa Quezon City, limang suspects naman ang nahuli sa magkakahiwalay na operasyon, ayon sa ulat ni Bam Alegre sa Balitanghali.

Kinuha ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang isang sanggol na walong buwang gulang at batang dalawang taong gulang matapos mahuli ang kanilang ina sa buy-bust operation.

Ayon sa ulat, ginagawang drug den daw ng suspek ang kanyang bahay sa Makaya Compound sa Barangay Pasong Tamo.

Kapag may bumabatak dito, nasa paligid lang daw ang mga bata.

Arestado rin ang dalawang naaktuhan daw na gumagamit.

“Nakakulong kasi asawa ko, pantawid gutom ko lang sa mga anak ko yan,” sabi ng suspek.

Samantala, isa pang drug operation ang isinagawa sa parehing barangay.

Naabutan ng mga pulis na nag-aabutan ng droga ang isang tulak at ang kanyang suking kustomer.

Dalawang sachet ng hinihinalang shabu ang nakumpiska sa kanila.

“Gumagamit ako, inaamin ko. Kalalabas ko lang e. Na-dismiss po kaso namin,” sabi ng kustomer.

“Gumagamit ho ako pero, kami unang unang sumuko. Nung kinausap ako ni Kuya Nestor, tinigilan na namin 'yan,” sabi ng tulak.

Sabi naman ng kagawad ng barangay na si Conrado Ignacio, “Ang pagkakaalam ko wala na, pero, ganun pa rin.  Bumalik pa rin sila sa sa dati.” — Joviland Rita/BM, GMA News