Filtered By: Newstv
NewsTV

Best Men: Mga kilalang guwaping na bading


Noon, iisa ang imaheng pumapasok sa isipan ng marami kapag naririnig ang salitang "bakla" o "bading." Kadalasa'y naiisip ang mga tinatawag na parlorista o manikuristang bakla, na makailang beses nang ginampanan sa mga pelikula't palabas sa telebisyon. 
 
Pero ngayon, hindi na limitado sa ganitong imahe ang mga bakla. Magugulat ang ilan na ang minsa'y macho at matipunong lalaki ay bakla pala! Kaya nga malaking bagay na raw ngayon ang magkaroon ng "gaydar" o ang paraan daw ng isang tao para matukoy kung bakla o hindi ang isang lalaki. Ito ang topic na tinutukan ng programang "Best Men" itong nakaraang Lunes.
 
Kilalanin ang ilang personalidad na sa una'y maaring 'di niyo akalaing bading, pero sa kanila na mismo nanggaling sa sila'y ika nga ay "gay and proud." At paalala ng Best Men, kahit ano ang sabihin ng gaydar ninyo, laging tandaan na walang iisang karakterisasyon ang mga lalaking homosexual. 
 
1)      Anderson Cooper, CNN News anchor
 
Kilala ang mamamahayag na si Anderson Cooper sa kanyang matapang na atake sa pagbabalita sa news channel na CNN. Naging sikat din siya sa kanyang war coverage, kung saan sumasabak siya sa gitna ng giyera para maibalita ang labanang nagaganap sa iba't ibang parte ng mundo.
 
Pero alam niyo bang kamakailan lang ay umamin na si Anderson Cooper na siya ay bakla? Matagal nang umuugong ang balita tungkol sa kanyang sekswalidad, pero nitong Hulyo lang lumabas ang kumpirmasyon nang isapubliko ang e-mail na kanyang ipinadala sa manunulat ng blog na "The Daily Beast" na si Andrew Sullivan.
 
Sinabi niya sa kanyang e-mail na hindi naman niya itinago kailanman ang kanyang magiging bakla. Aniya, "The fact is, I'm gay, always have been, always will be, and I couldn't be any more happy, comfortable with myself, and proud."   
 
2)      Frank Ocean, R&B singer
 
Karamihan sa mga sumisikat sa larangan ng R&B at rap music ay mga lalaking macho at siga. Pero para sa R&B singer na si Frank Ocean, hindi nakakahiyang ipakita ang kanyang nararamdaman—kahit ang kanyang dating pagmamahal sa isang lalaki!
 
Ika niya, nakakapagpagaan daw ng loob ang magtapat sa mga tagahanga niya. At base naman sa suportang ipinakikita ng kanyang mga kapwa artista tulad ni Nicki Minaj, mukhang bibigyan ng pagkakataong magningning ang kanyang bituin sa kabila ng kanyang pagiging bakla.  
 
Neil Patrick Harris (kaliwa) kasama ang kanyang nobyong si David Burtka.  
3)      Neil Patrick Harris, artista
 
Naging sikat ang aktor na si Neil Patrick Harris sa kanyang pagganap bilang Barney Stinson, isang swabeng babaero, sa programang "How I Met Your Mother." Ngunit kaiba sa palikerong karakter na kanyang ginagampanan sa telebisyon, "one-man man" daw si Harris sa kanyang nobyong si David Burtka, na kanya nang nobyo mula pa noong 2004. Sa katunayan, sila ngayo'y mga ama na sa kambal na sina Gideon Scott at Harper Grace. 
 
4)      Matthew Mitcham, Olympic gold medalist
 
Dati'y "straight" na mga kalalakihan ang namamayagpag sa larangan ng sports. Pero ngayon, unti-unti na ring nabibigyang-pansin ang mga atletang bakla, gaya ng Australian na atletang si Matthew Micham, na nagkampeon sa 10-meter platform diving noong 2008 Beijing Olympics. 
 
Sa isang panayam, sinabi ni Mitcham na hindi naman siya naaapektuhan ng mga usap-usapan tungkol sa kanyang pagiging bakla. Aniya, "I don't mind [the] attention being brought to my sexuality in the hope that it might make other people feel more comfortable... in being comfortable enough about who they are in their sporting environment." —Job de Leon/CM, GMA News Mapapanood ang programang "Best Men" tuwing Lunes ng gabi, 10:30 PM sa GMA News TV Channel 11. I-like ang "Best Men" sa Facebook at i-follow sila sa Twitter.
Tags: homosexual, gay, men, lgtb