Filtered By: Newstv
NewsTV

'Pinas Sarap,' ang pinakabagong food and travel adventure ng GMA News TV!



Masarap bumiyahe. Mas masarap bumiyahe at kumain.  Pero ang da best, bumiyahe at kumain habang kinikilala ang sariling kultura at tradisyon.

Sama-sama nating alamin ang kuwento sa likod ng mga pagkaing bumusog sa maraming henerasyon ng mga Pinoy.  At alamin kung paano nagbabagong-anyo at lasa ang mga ito sa paglipas ng panahon.  Iba talaga kapag PINAS SARAP!

Alam niyo ba kung saan nagmula ang kare-kare, isa sa mga bida tuwing may family reunion ang mga Pinoy?  Alam niyo ba na ang iba pang bansa sa Asia ay may sari-sariling bersyon ng mga kinalakhan nating kakanin tulad ng bibingka at puto?  Narinig niyo na ba ang adobong dilaw at ang sinigang sa strawberry?

Ang walang kinatatakutang journalist na si Kara David, ipasisilip ang natatago niyang katauhan bilang isang… fearless foodie!  Samahan siyang umakyat ng mga puno, sumisid sa mga ilog at sumuot sa mga kuweba para sa mas malalim na pagkilala sa mga pagkaing nakasanayan na nating ihain sa ating mga hapag-kainan.  Pakinggan ang pakikipag-usap niya sa food historians at food experts at tunghayan ang pagpapaturo niya sa ilang chef at home cook kung paano gawin ang kani-kanilang makabagong bersyon ng mga lutuin.

Tara na’t sumama kay Kara David sa PINAS SARAP, ang pinakabago at katakamtakam na travel and food adventure ng GMA News TV.  Huwag magpapaiwan!  Aarangkada ang PINAS SARAP tuwing Huwebes, 10:15 ng gabi simula March 23.