Sa kaunaunahang pagkakataon sa kasaysayan ng Pilipinas, nagbanta ang pamahalaan na tatanggihan ang anumang tulong galing sa ibang bansa kung ito ay may kaakibat na mga kondisyong pampulitikal. Ang hakbang na ito ay naaayon sa "independent foreign policy" ng administrasyong Duterte.

Gayunman, hindi malinaw kung ang pagtanggi sa mga tulong na pampinansiyal mula sa ibang bansa ay isang polisiya na ipatutupad ng administrasyon Duterte.

Mismong sa hanay ng mga miyembro ng Gabinete ng Pangulong Duterte ay tila nagdulot ito ng kalituhan. Pagkatapos lumutang ang mga balitang hindi na tatanggap ang Department of Finance (DOF) ng tulong mula sa European Union, ang pinakamalaking economic bloc sa buong mundo at top export destination ng Pilipinas, ipinaliwanag ni Executive Secretary Salvador Medialdea na ito ay dahil sa ehekutibo na maging isang "independent nation" ang Pilipinas.

Gayunman, tinutulan ito ni National Economic and Development Authority (NEDA) Secretary  Ernesto Pernia. Aniya, hindi niya ito ituturing na isang polisiya. "It is more of a reaction to criticism. I don’t think it’s going to remain as such…This is not going to be customary. It’s a one-time act,” aniya.

Ang DOF ang ahensyang nakatoka upang gastusin ang EU grants, ngunit ang NEDA ang may responsibilidad upang tukuyin, kasama ang mga opisyal ng EU, kung saang mga proyekto ito dapat ilaan.

Base sa aking pagkakaalam, pumutok ang balitang tatanggihan na ng DOF ang mga tulong-pinansyal galing sa EU habang may nagaganap na mahalang pulong sa pagitan ng mga opisyal ng NEDA, na malamang na dahilan kung bakit tuwirang tinutulan ni Pernia ang naturang hakbang.

Sa kalaunan, nabait na maging ang Department of Foreign Affairs pala ay hindi naabisuhan sa hakbang ng DOF na sinundan na rin ng paliwanag ni Prsesidential Spokesperson Ernesto Abella na hindi lahat ng EU grants ay apektado.

Ayon kay Abella, ang mga tulong galing sa EU na may partikular na kondisyon lamang ang tatanggihan ng DOF.

Sa kabila ng kontrobersyal na hakbang ng administrasyon Duterte, alamin muna natin ang limang mahahalagang puntos hinggil sa tulong-pinansyal galing sa EU:

  1. Umaabot sa €250 million o tumataginting na P13.8 billion na "grants." Ang ibig sabihin ng "grant," ay donasyon at hindi kailangang bayaran ng Pilipinas. Hindi ito kagaya ng mga interest-based loans na basehan ng mas maigting ngayong relasyon ng bansa sa mga makapangyarihang bansa, gaya ng China.
  2. Ang EU grants ay hindi direktang napupunta sa partikular na opisyal ng gobyerno o sa mga tiwaling opisyal. Bagkus, ang perang mula sa EU ay may kaakibat na accountability, transparency at performance-based objective. Ang mga pondong ito ay may partikular na layunin tungo sa: capacity-building (o tulong upang masigurong mapalawig ang kakayahan ng gobyerno na magbigay ng maayos na serbisyo sa publiko), probisyon para sa rehabilitasyon ng mga naapaketuhan ng mga kalamidad, tulong para sa peace efforts ng gobyerno at mga proyekto sa mga lugar na apektado ng insurhensiya, partikular sa rehisyon ni Pangulong Duterte, ang Mindanao.
  3. Kabilang sa EU grants ay malawak na tulong sa bansa gaya ng "zero tariff" agreement sa ilalim ng GSP+ (Generalized Scheme of Preferences-Plus). Ibig sabihin, ang malaking bulto ng mga produktong itinatawid ng Pilipinas patungo sa mga bansang nabibilang sa EU ay hindi papatawan ng taripa na maituturing na dagdag-kita sa mga taong nabibilang sa industriya ng agrikultura gaya ng mga mangingisda at magsasaka.
  4. Mukhang lahat ng EU grants ay may kaakibat na kondisyon o kapalit (hindi pinansiyal), ibig sabihin may inaasahang resulta na malinaw na nakasulat sa isang kontrata. Dahil dito, hindi puwedeng mamili lamang ang pamahalaan ng Pilipinas kung aling grant ang kanyang gustong kuhanin at ibig sabihin alinman sa tanggihan ng buo o magkaroon ng kompromiso sa EU.
  5. Ang mga kondisyon na kaakibat ng EU grants ay hindi gaanong mapanghimasok gaya ng mga nakapaloob sa mga kasunduan mula sa International Monetary Fund noong panahon ng "credit crunch" sa pagitan ng dekada 80 at 90. Ang kalimitang kaakibat lamang na kondisyon ng EU grants ay ang kahilingang irespeto lamang ng bansang tatanggap ng tulong ang mga karapatang pantao sa ilalim ng Uninted Nations charter. Kung may reklamo ang bansang tatanggap sa naturang kahilingan, bukas naman ang EU na makipagdayalogo.

Sa kabila ng mga impormasyon na ito, malamang na ang nakagugulat na hakbang na ito ng administrasyong Duterte ay upang itigil ng EU ang pagpuna sa drug war ni Pangulong Duterte.

Sa pagtanggi sa "libreng" tulong pinansyal mula sa EU, isinusugal ng administrasyong Duterte ang kapakanan ng ordinaryong Filipino. Katunayan, malamang na hindi pa rin titigil ang EU na punahin ang kampanya laban sa droga ng administrasyong Duterte kahit pa tanggihan ang tulong-pinansyal galing sa makapangyarihang economic bloc.

Mas maiging idaan na lamang sa mahinahon na dayalogo ang naturang isyu.

Si Prof. Richard Javad Heydarian ay Resident Analyst ng GMA News