First Person: My encounter with Pope Francis
January 28, 2015 10:14pm
"Those who are last shall be first; and those who are first shall be last. For many are called, but few are chosen." (Matthew 20:16)

Isa ito sa mga pinakapaborito kong kasulatan sa Bibliya. Nagustuhan ko ito dahil nagsisilbi itong paalala sa mga tulad kong nagtatrabaho sa media kung ano at sinu-sino ang tunay na mahalaga. Hindi kami, hindi ang mga malalaki at sikat na tao, hindi ang makapangyarihan kundi ang maliliit, ang mga walang boses, at pinagkaitan ng karapatan.

Nang ma-assign ako na mag cover para sa Santo Papa, batid ko na noon na ang mga mahihirap ang pakay ng santo papa...hindi ang magpasikat o ang makihalubilo sa mga makapangyarihan.

Miserando atque eligendo ang kanyang motto: Lowly but chosen. Silang mga pinagkaitan ng lipunan ang napili niyang puntahan.

Ito na marahil ang pinakamalaking assignment na natanggap ko sa mahigit isang dekada kong pagiging reporter. Sa laki ng coverage, madaling pumasok sa ulo ng isang reporter ang pagmamayabang.  

Pero mahigpit na bilin sa akin ni Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) president Archbishop Socrates Villegas bago ako umalis: This journey/coverage is not about him and definitely not about you. It's about Jesus and the poor.

Kaya makalapit man ako kay Pope Francis o hindi, di na yun mahalaga. After all, hindi naman ako ang storya.

ROME (JANUARY 8)



Bilang miyembro ng Vatican-accredited media personnel (VAMP), trabaho namin na sunduin sa Roma ang Santo Papa, sundan saan man siya magpunta, at sa huling araw samahan siyang pabalik ng Vatican.

Tatlong araw ako sa Roma. Dito ko nakilala si Allan Holdren ng EWTN. Ilang beses na siyang nakasama sa papal flight at aniya, ilang beses na raw siyang nasurpresa ng Santo Papa. Aniya, may posibilidad na makalapit at makausap namin nang personal si Pope Francis.

Halos hindi ako nakatulog noong gabi bago ang aming lipad. Totoo nga kaya ang sinabi ni Allan? Ano ang sasabihin ko sa Santo Papa kung sakaling makaharap ko siya?

Sinubukan kong magsulat pero walang lumalabas na salita. Gusto kong humingi ng blessing, ng biyaya para sa sarili. Pero naisip ko, sobra-sobra na ang kabaitan sa akin ng Panginoon at di ko na kailangan humiling ng dagdag pa.

Maya-maya bigla kong napansin ang krus na keychain na nakasabit sa aking bag. Gawa ito ng mga lola ng women's correctional na na-interview ko sa iWitness noong nakaraang taon. Naalala ko ang pinakamatandang preso, ang 91 anyos na si Lola Petra Lokingan. Di marunong sumulat at magbasa, pero hinatulan 10 taong kulong para sa falsification of public documents.

Kung may isang tao na siguradong walang pagkakataong makita ang Santo Papa, si Lola Petra na iyon.



Pinagkaitan ng kalayaan, pinagkaitan ng karapatan. Silang laging huli sa pila. Last but not the least. Lowly but chosen.

Naging malinaw ang aking misyon: hindi ako kundi sila.

SHEPHERD ONE, ROME - SRI LANKA (Jan. 12)

Kinabukasan, January 12, lumipad kami patungong Sri Lanka. 7 p.m. pa ang flight pero 6 pa lang pinapasok na kami sa eroplano.

Bago nag-take off ang eroplano lumabas mula sa Business Class section si Pope Francis at isa-isa kaming binati. Sa simula, talagang mapaparalisa ka ng iyong mga emosyon. Pero ang nakakatuwa kay Pope Francis, he will always try to make you feel at ease. Walang ere. Hindi siya madamot sa ngiti, buong-puso siya pag humalakhak, taong-tao, simple, at nag-uumapaw sa kababaang loob.



The first time I met him, I remember being frozen to my seat, shaking his hand for five seconds. Hindi ako makapagsalita, nakatitig lang ako sa nakangiti niyang mukha. Mabuti na lang tinapik ako ng katabi kong Italyano. Sabi niya, "Give him your gift. Give him the cross."



Noon lang dumaloy ang salita mula sa aking bibig. Ipinakita ko ang krus na ginawa nina Lola Petra, ikinuwento ko ang paghihirap ng mga matatandang nakapiit sa correctional. Humiling ako ng dasal para sa kanila. Ngumiti ang Santo Papa at tinanong ako: "They made this? Is this for me? Thank you very much."



Batid kong tanging pangulo lang ng Pilipinas ang makakapagpalaya kay Lola Petra. Pero sana sa tulong ng dasal, ng Santo Papa at nating lahat, sana makamit nya ang kanyang inaasam.

SRI LANKA

Three percent lang ng populasyon ng Sri Lanka ang Katoliko. Pero di nagpapigil ang Santo Papa na puntahan pa rin ang maliit na bansang ito. Mga 500,000 ang nagtipon para salubungin siya. Hinanap ni Pope Francis ang mga bata at may sakit. Pero naipit sa bakod ang ilan sa kanila. Kaya nagbayanihan ang mga deboto para buhatin isa-isa ang mga wheelchair. Natupad muli ang kasulatan... Ang mga nasa huli ng pila, ang siyang nauna.

PILIPINAS (JAN. 15-19)

"Papa Francisco, bienvenido! Papa Francisco, mabuhay po kayo!" Ito ang bumungad sa amin paglapag ng eroplano ng Santo Papa sa Pilipinas. Gabi na pero punung-puno pa rin ng tao ang mga kalsadang dinaanan ng Santo Papa. Taus-pusong ngiti at ligaya ang isinalubong natin sa kanya. Alam kong magiging espesyal ang mga susunod na araw.

Sa University of Santo Tomas (UST), ipinakilala niya ang Panginoon bilang ama na handang magbigay ng mga di-inaasahang biyaya.

"Our God is a God of surprises. Do not be afraid of surprises. They shake the ground beneath our feet and make us insecure, but they move us forward in the right direction."

Hindi niya binasa ang kanyang prepared speech. Ayon sa mga kasama kong foreign journalists na matagal nang nagco-cover kay Pope Francis, pahiwatig daw ito na masayang-masaya ang Santo Papa at nais niyang magbahagi sa mga tao ng buong puso at isipan niya.

Sa Tacloban, sinalubong siya ng hangin at ulan. Pero wala ni isa sa mga debotong nanginginig sa ulan ang umalis sa kanilang pwesto. Hindi natinag ng bagyo ang pananampalatayang Pilipino.

Dito, muling nagsalita mula sa puso ang Santo Papa.

"I have come to tell you that Jesus never lets us down. We have a Lord who cries with us and walks with us in the most difficult moments of our life."

Sa gitna ng magkahalong luha at patak ng ulan, napagtanto ko sa sarili: isang malaking biyaya ang makalapit sa Santo Papa pero mas malaking biyaya ang mapakinggan ang mensahe nya. I realized it was more important to hear him rather than to be near him.

SHEPHERD ONE, MANILA - ROME (Jan. 19)

Sa eroplano pabalik ng Roma, nabigyan ako ng pagkakataong makapagtanong sa Santo Papa.

"Holy Father, the Filipinos learned a lot from their encounter with you and from listening to your message. Is there something that you have learned from us, from your encounter with the Filipinos?"



Sagot ng Santo Papa marami raw siyang natutunan sa mga Pilipino. Humanga siya sa pagiging totoo ng mga tao. Sa ating ngiti at likas na ligaya. Kakaibang galak at pananampalataya na di natitinag ng ulan. Humanga siya sa ating katatagan. Katatagang tanggapin ang trahedya at bumangon sa unos.

Sabi ni Pope Francis: let the poor evangelize you. Let the poor teach you.

Hindi lang pala tayo ang natuto sa kanya, siya rin mismo natuto sa atin. Hindi lang pala tayo ang humanga at nagmahal, siya rin pala nabigyan natin ng tatag at pag-asa.

Bago lumapag ang eroplano ipinatawag ni Pope Francis ang mga Pilipinong nasa flight. Ipinatawag niya kami at isa-isang pinaupo sa kanyang tabi. Hindi ko alam ang sasabihin ko nang makaharap kong muli ang Santo Papa. Sobra-sobra na ang galak na ibiniyaya niya. Wala na akong mahihiling pa.





Wala akong nasabi kundi: Thank you. Thank you for giving joy and hope to the Filipinos. Salamat sa dasal, salamat sa pagmamahal. — BM/JST, GMA News
 
Kara David shares a first-hand account of her experience traveling with the Pope this Saturday, January 31, on a special episode of "I-Witness," airing after Celebrity Bluff on GMA. For more information, like the I-Witness official Facebook page and follow its Twitter account. Follow also the official Facebook page of GMA Public Affairs for updates on your favorite documentaries.
 


Go to comments



We welcome healthy discussions and friendly debate! Please click Flag to alert us of a comment that may be abusive or threatening. Read our full comment policy here.
Comments Powered by Disqus