Filtered By: Topstories
News

OFW sa Jeddah, ninakawan at sinaktan ng mga nagpakilalang pulis


Pinayuhan ng isang opisyal sa Konsulado ng Pilipinas sa Saudi Arabia ang mga Filipino sa bansang ito na maging maingat at kilalaning mabuti ang mga taong papasukin sa kanilang bahay. Ang paalala ay ginawa ni Vice Consul Lorenzo Jungco, pinuno ng Assistance to National Section, matapos maging biktima ng mga magnanakaw na nagpakilalang pulis ang isang overseas Filipino worker (OFW). Sa panayam ng GMA News Online, ikinuwento ni Thez Moral, kung paaano puwersahang pumasok sa kanyang bahay noong nakaraang linggo ang dalawang lalaki na nagpakilalang pulis. Ayon kay Moral, nagawang makapasok sa kanyang bahay ang dalawang suspek dahil sumabay ito sa pagbukas niya ng pinto para papasukin ang kanyang kaibigan. Iginiit ng mga suspek na nagpakilalang pulis na may tinutugis silang tao na sangkot sa kasong ilegal na droga at alak. Nanlaban umano at pilit na pinapalabas ni Moral ang mga suspek kaya siya sinaktan ng mga ito. Wala rin nagawa sa malaking pangangatawan ng mga suspek ang kasama niyang kasambahay. Kasunod nito ay hinalughog na umano ng suspek ang lahat ng kuwarto sa bahay habang ang isa naman ay nakabantay sa pintuan. Nakuha ang mga ito ang pera ng kanyang mister na nasa clutch bag na nagkakahalaga ng US$1,500. Sa hiwalay na panayam kay Vice Consul Jungco , sinabi nito na dapat maging maingat ang mga Pinoy sa lugar dahil na rin sa ilang insidente kung saan ang modus ng mga suspek ay nagpanggap na pulis. Hanggat maaari ay dapat hingan daw ng identification card ang mga nagpapakilalang pulis. Sakaling may masamang nangyari, kaagad daw itong ipaalam sa pinakamalapit na police station o sa konsulado para matulungan silang makapaghain ng reklamo. Payo naman ni Moral, maging mapagmatyag sa paligid kapag pauwi na at papasok sa kanilang bahay. Makabubuti umanong huwag munang pumasok ng bahay kung may makikitang kahina-hinalang tao. Tingnan din umano muna ang paligid kung magpapasok ng bisita sa bahay dahil baka may mga kriminal na nag-aabang sa paligid at naghihintay na makatiyempo para makapasok sa bahay. -- Ronaldo Z. Concha, GMA News

Tags: ofws,