Filtered By: Showbiz
Showbiz

Pacquiao, sinurpresa ni Jinkee sa kanyang kaarawan


Hindi inaasahan ni Saranggani Rep Manny Pacquiao ang pagdating sa bilyaran ng kanyang misis na si Jinkee na may bitbit na cake sa unang sandali ng pagsapit ng kanyang ika-33 taong kaarawan nitong Sabado. Sa ulat ni GMA News reporter Saleema Refran, sinabing nasa bilyaran at nagrerelax si Pacquiao nang sumapit ang kaarawan ng Pinoy boxing champion. Kaya naman tuwang-tuwa si Pacquiao nang makita ang kanyang maybahay na dala ang cake. Kaagad na hinipan ng kongresista ang kandila sa cake, at niyakap at hinalikan si Jinkee. Sa panayam ng GMA News, sinabi ng mga anak ni Pacquiao na sila man ay mayroong surpresa sa kanilang ama na tiyak daw na magugustuhan ng mambabatas. Sa Sabado ng gabi gaganapin ang enggrandeng selebrasyon ng kaarawan ni Pacquiao. Pero nitong Biyernes, namigay na siya ng mga regalo gaya ng mga pagkain at mga laruan sa kanyang mga kababayan. - FRJ, GMA News

LOADING CONTENT