Filtered By: Showbiz
Showbiz

Pagdalo ni PNoy sa PSG Christmas party, idinepensa ng mga kapatid


"Siyempre, may mga masasamang nangyayari at may malungkot, but then, life should go on." Ito ang pahayag ni Ballsy Aquino-Cruz kasabay ng kanyang pagdepensa sa pagdalo ni Pangulong Noynoy Aquino III sa Christmas party ng Presidential Security Group (PSG) nitong Linggo ng gabi. May mga bumatikos kay PNoy sa pagdalo sa party sa kabila ng trahedyang naganap sa ilang bahagi sa Mindanao bunsod ng bagyong Sendong kung saan mahigit 1,000 katao ang pinapaniwalaang nasawi. Napag-usapan ang PSG party dahil na rin sa tweet ng aktres na si Valerie Concepcion (performer sa naturang party) kung saan ibinalita niya na masaya raw ang pangulo at tumatawa sa kanyang mga jokes. "Done w/ work.. Tnx for having me.. :) It was nice to see Pres. P-Noy laughing at my jokes & enjoying my performance..ü #Malacañang #PSGNight" Paliwanag naman ng Malacanang hindi nagtagal si Aquino sa party ng mga sundalong nangangasiwa sa kaligtasan ng pangulo at pamilya nito. Umupo lamang daw ito ng may 30 minuto at umalis na rin. Sa ulat ni Glen P. Sibonga na lumabas sa website ng Philippine Entertainment Portal (PEP) nitong Martes, ginawa ni Ballsy ang pagdepensa kay PNoy sa show na Kris TV nitong Lunes kung saan ang host ay ang kanilang bunsong kapatid na si Kris Aquino. Guest din sa programa ang isa pang kapatid ni PNoy na si Pinky kung saan pinag-usapan din nila ang Christmas traditions sa kanilang pamilya, at mga project na ginagawa nila para sa mga kababayan. Natalakay ang kontrobersiya sa PSG party nang mapadako na ang paksa sa trahedya sa Mindanao na ang matinding sinalanta ng bagyong Sendong ay ang Iligan City at Cagayan De Oro. Sinabi ni Ballsy na bago pa man ang mga kritisismo sa pagdalo ni PNoy sa PSG party, nakaplano talaga ni PNoy na bisitahin ang Cagayan de Oro. Ngunit dapat umanong isipin na may mga preparasyon na ginagawa sa bawat lakad ng pangulo. "Talagang pinaplano na nga [ng Pangulo] na pumunta sa CDO. Alam mo kapag pangulo ka, hindi hora-horada ay gagawin mo yun, at saka titingnan lahat," ani Ballsy. "Pero narinig ko na pinag-uusapan na ng PSG [Presidential Security Group] at PMS [Presidential Management Staff] kung ano ang gagawin," dagdag niya. Sa pagpunta ni PNoy sa Mindanao, dala nito ang iba't ibang tulong sa mga biktima, kasama na rito ang rehabilitation plans para sa mga lugar na nasalanta. Tungkol sa PSG Christmas party, ipinaliwanag ni Ballsy na matagal nang naka-schedule ito. Tradisyon na raw ito na ginagawa sa grupo ng mga sundalong namamahala sa seguridad ng pangulo at kanyang pamilya. "Siyempre, may mga masasamang nangyayari at may malungkot, but then, life should go on," ayon kay Ballsy. “"Hindi naman puwedeng huminto na lang ang buhay at magmukmok na lang tayo.’ Ipinaliwanag din ng kapatid ng pangulo na ang pagpapakita ni PNoy sa party ay pagpapakita rin naman ng pasasalamat sa mga tauhan ng PSG. Sinabi naman ni Pinky, inaayos muna ng Pangulo ang lahat bago siya tumungo sa mga nasalantang lugar. Ayaw raw kasi nito na makagulo sa isinasagawang rescue operations. Nagpaliwanag naman si Kris sa ginagawa nilang pagdepensa sa kanilang kapatid na pangulo. Magkakasama umano sila at nakatutok sa mga telepono at nakaantabay sa mga nangyayari sa mga lugar na sinalanta ng bagyo. "Pero siguro hindi n'yo maiaalis sa amin na sabihin namin na it's not like he doesn't care. Give me a break, di ba?," ani Kris. "Siyempre, Pangulo siya ng Pilipinas at mahal niya ang ating mga kababayan. So, siyempre, gagawin naman niya ang lahat. Nakiusap si Kris na sana’y hindi maging mabilis ang paghuhusga at tiniyak niya na kumikilos ang mga ahensiya ng pamahalaan. - FRJ, GMA News