Filtered By: Topstories
News

DPWH, handa nang ilunsad ang mga proyekto para sa 2012


Handa nang ilunsad ng Department of Public Works and Highways ang mga proyekto nitong nagkakahalaga ng P125.5 bilyon para sa taong 2012. Nagsimula ang paghahanda sa mga proyektong ito noong huling bahagi pa lamang noong nakaraang taon. “The early procurement...  shall facilitate the start of project implementation during the first quarter of 2012,” ayon kay DPWH Secretary Rogelio Singson sa isang news release na naka-post sa online Official Gazette ng pamahalaan. Ayon sa utos ni Singson sa mga field official ng DPWH, mahalaga umano ang maagang pagsasagawa ng mga proyekto sa kani-kanilang mga lugar habang mainam pa ang lagay ng panahon at wala pang mga bagyo. Aniya, sa oras na ilabas ng Department of Budget and Management ngayong Enero 2012, kinakailangang handa na ang DPWH upang isagawa ang mga proyekto. Dagdag pa niya, magiging iba ang budget implementation ng DPWH ngayong 2012 kung ikukumpara noong 2011 – mas maagang sisimulan ang mga proyekto. Ayon kay Singson, naglaan na ang DPWH ng P125.5 bilyon para sa kanilang pondo ngayong 2012, na 13.5 percent na mas mataas kumpara sa pondo noong 2011 na P110.6 bilyon. Pumangalawa ang DPWH sa Department of Education sa nakakuha ng pinakamataas na pondo. “We shall be focusing on the upgrading of the national roads in terms of quality and safety,” ani Singson. Mula sa kabuuang pondo, mahigit P29.7 bilyon ang gagamitin para sa rehabilitation at maintenance ng mga kalsada at tulay; P15.9 bilyon naman para sa pagpapabuti at pagsasawa ng mga kalye sa 809 km ng national roads; at P38.5 bilyon naman para sa pagsasagawa ng 6,229 km ng mga bagong daan at 15,292 linear meters naman ng bagong tulay. — Amanda Fernandez /LBG, GMA News

LOADING CONTENT