Filtered By: Showbiz
Showbiz

Shooting ng Hollywood film na Bourne Legacy sa Pinas, tuloy!


Naging usap-usapan nitong Huwebes sa mga social networking site ang pagkalat ng balita na kanselado na ang shooting ng Bourne Legacy sa Pilipinas. Ang balitang kinansela ang shooting ng Bourne Legacy na pagbibidahan ni Jeremy Renner ay sinasabing nagmula sa isang blog site. Kaagad itong pinag-usapan sa Facebook at naging trending topic din sa Twitter sa Pilipinas. Pero bukod sa balitang kanselado ang shooting, pinag-usapan din kung totoo ang balitang nasa Pilipinas na si Jeremy at ang umano'y casting ng 1,000 Pinoy para sa shooting na gagawing sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila. Ngunit nilinaw ng Metro Manila Development Authority (MMDA) sa pamamagitan ng kanilang Twitter account na walang katotohanan na kinansela ang shooting ng Bourne sa Pilipinas, na sisimulan ngayong Enero. “REMINDER: There is no truth to the rumor that the Bourne Legacy PH shoot has been cancelled. The article claiming such is a satirical blog," nakasaad sa tweet ng MMDA. Kabilang sa mga lugar na kukunan ng eksena ng Bourne Legacy ay sa Ayala Avenue, Makati, Intramuros, Jones Bridge, Marikina City Market, Navotas Fishport, Pasay Taft at maging sa Palawan. Bukod kay Jeremy, kasama rin sa cast ng Bourne Legacy sina Edward Norton at Rachel Weisz. - FRJImenez, GMA News

LOADING CONTENT