Filtered By: Topstories
News

Mga deboto ng Itim na Nazareno, kailangan daw paalalahanan tungkol sa pananampalataya


Aminado ang isang arsobispo na kailangang pagtuunan ng pansin ng Simbahang Katoliko sa katesismo ang pagpapaunawa sa ilang deboto ng Itim na Nazareno ang tungkol sa pananampalataya sanhi ng matagal na prusisyon nitong Lunes at sa dami ng mga nasaktan. Sinabi ni Novaliches Archbishop Emeritus Teodoro Bacani nitong Martes, na nasisiyahan siya sa ipinakitang debosyon ng mga nananampalataya ng Nazareno na dumalo sa 'tralacion' nitong Lunes sakabila ng banta ng terorismo. “Sila ay walang pakialam. Itataya nila ang kanilang buhay maipakita lamang nila ang pagmamahal sa Poon. Kaya hindi (nila) iniinda ang threat ng mga terorista," ani Cruz sa panayam ng Veritas Radio. Sa kabila nito, ikinalungkot ng arsobispo ang dami ng nasaktan sa prusisyon na tumagal ng 22-oras; na pinakamatagal na umano sa kasaysayan ng paglilipat ng imahen ng Nazareno sa simbahan ng Quiapo. Ayon kay Cruz, dapat ipaunawa sa katesismo na hindi naman kailangang lumapit sa anda na sinasakyan ng imahen ng Nazareno at makipag-gitgitan para makahalik sa paa ng poon o makapahid ng tuwalya upang maipakita ang pananampalataya kay Kristo. “Ang importante ay ang paniniwala ng tao. It is not the touch of the hand that matter kundi ang mahipo ang Panginoon sa pamamagitan ng pananampalataya," payo ni Cruz. “Ang ating paghawak sa kamay, pagpunas ay hindi dapat maging tanda ng pananampalataya. Hindi sa pamamagitan ng imahen ang pagdedeboto," dagdag niya. Mahalaga umanong maipaunawa sa mga deboto na higit sa estatwa ay ang sinisimbulo nito ang kailangan nilang matandaan na nagpapakita ng pagmamahal sa tao ni Hesu Kristo. Sinabi ni Cruz na higit na pagpapalain ang isang deboto na ang pananampalataya ay nasa puso at hindi lang sa paghawak sa imahen. Sa hiwalay na panayam kay Fr.Anton Pascual, executive director Caritas Manila, sinabi nito na malaking hamon sa Simbahan na mabigyan ng tamang edukasyon ang publiko upang maging maayos ang prusisyon, debosyon at pananalig sa Nazareno. “Marami sa mga nagpunta at sumali sa traslacion ay hindi masyadong nagsisimba at hindi naaabot ng katesismo ng Simbahan. Marami sa mga pumupunta na mga deboto ay hindi para magmisa kundi para sa prusisyon lamang," puna niya. Aminado naman si Fr Pascual na may pambihirang ugnayan ang mga deboto sa Poong Nazareno na kailangan ding pangalagaan ng Simbahan. -- MP/FRJ, GMA News