Filtered By: Topstories
News

Mga senador, dapat daw hayaang magdesisyon sa impeachment trial ni Corona


Iginiit ng isang obispo ng Simbahang Katoliko na hindi dapat impluwensiyahan ng Malacanang ang magiging resulta ng gagawing paglilitis ng Senate Impeachment Court kay Supreme Court Chief Justice Renato Corona. Ang pahayag ay ginawa ni Sorsogon Bishop Arturo Bastes, nang hingan ng komento tungkol sa napaulat na kinakausap ni Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III, ang mga senador na tatayong hukom sa paglilitis kay Corona. “Hindi dapat ginagawa ‘yan ng pangulo, that’s morally wrong. They have equal powers and that should not be," pahayag ng obispo sa naging panayam ng Radyo Veritas. “Maling impluwensyahan niya ang mga senador kasi lalabas na ang magiging desisyon ng Senado sa kaso ni Corona ay may basbas at impluwensya ng Pangulo. I’m against that," dagdag ni Bastes. Nauna nang itinanggi ng Malacanang at maging ng ilang senador ang naturang alegasyon na nanggaling naman sa kampo ni Corona. Nakatakdang magsimula sa Lunes ang paglilitis kay Corona. Ang mga kongresista ang tatayong tagausig sa impeachment trial upang mapatalsik sa puwesto ang punong mahistrado. Sa hiwalay na panayam ng naturang himpilan ng radyo, sinabi ni Lingayen-Dagupan Archbishop Emeritus Oscar Cruz, na hindi nakapagtatakang kausapin ni Aquino ang mga senator-judge. Ayon sa arsobispo, likas na sa larangan ng pulitika sa bansa na masunod ang kagustuhan ng pangulo kahit pa sinasabing patas ang kapangyarihan ng executive, legislative at judiciary. “Gusto lang ng pangulo ng assurance na ang Malacanang ay magtatagumpay sa kahuli-hulihan. At ang panggagapang ng Palasyo hindi lamang sa Kongreso kundi sa Senado ay hindi kataka-taka pagkat ganyan naman talaga ang pulitika sa atin," paliwanag niya. Kasabay nito, nagpahayag ng suporta sa gagawing paglilitis kay Corona ang League of Cities of the Philippines (LCP) upang mapapanagot ang punong mahistrado sa mga alegasyon nito ng katiwalian. "It has been the actions of some Supreem Court justices, the chief justice included, that has tainted the independence of the judiciary, thus justifying the upcoming impeachment trial to right the wrongs that have been committed," pahayag ng grupo sa pulong balitaan nitong Biyernes. - MP/FRJ, GMA News