Filtered By: Showbiz
Showbiz

‘James Bond’ na si Daniel Craig, nasa Pilipinas na rin


Dumating na sa Pilipinas ang Hollywood actor na si Daniel Craig para bisitahin ang kanyang misis na si Rachel Weisz, na kasama naman sa cast ng The Bourne Legacy na nagsu-shooting sa bansa. Sa Chika Minute ng GMA news 24 Oras Weekend nitong Sabado, sinabing dumating si Craig sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) nitong Biyernes ng gabi. Galing umano ang eroplanong sinakyan ni Craig sa Hong Kong. Nataon ang pagdating ni Craig na ginagawa naman ang shooting ng Bourne Legacy sa Terminal III ng NAIA nitong Biyernes. Dati nang nabanggit na posibleng pumasyal sa Pilipinas si Craig para bisitahin ang kanyang misis na si Rachel. Si Craig ang pinakabagong bida sa sikat na action film na 'James Bond' franchise. Ilan sa mga pelikula ni Craig na ipinalabas sa Pilipinas noong 2011 ay ang action movie na Cowboy vs Alien at ang suspense-thriller movie na Dream House. Bukod kay Rachel, nasa Pilipinas din ang bida sa Bourne Legacy na si Jeremy Renner. Inaasahan namang darating sa bansa bago matapos ang buwan si Edward Norton na tatayong kontrabida ni Jeremy sa pelikula. -- FRJ, GMA News