Filtered By: Topstories
News

Bagong pinuno ng Coast Guard na itinalaga ni PNoy, kinasuhan sa Sandiganbayan


Nahaharap sa kasong katiwalian sa Sandiganbayan ang bagong pinuno ng Philippine Coast Guard (PCG) na katatalaga pa lamang ni Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III nitong Martes. Ang bagong pinuno ng PCG na si Rear Admiral Edmund Tan, ay ipinagharap ng kasong graft sa Fourth Division ng Sandiganbayan ng Office of the Ombudsman batay sa reklamo ng negosyanteng si Reynaldo Chua Jr. Ang kaso na inihain ni Chua noong Diyembre 2010 ay nag-ugat sa umano’y ginawang pag-ipit ni Tan sa barko ni Chua na naglalaman ng mga mineral na bato noong 2007. Nang panahon iyon, si Tan ay nagsisilbing pinuno ng PCG-Visayas Command. Pinigil umano ng PCG-Visayas ang barkong LCT Kapitan batay sa isang temporary restraining order, na lumilitaw umanong kaduda-duda. Gayunman, naglabas ng kautusan ang Department of Environment and Natural Resources (DENR)-Region 7 Office na hayaang makaalis ang barko matapos masuri na kumpleto ito sa mga dokumento. Pero sakabila ng kautusan ng DENR, pinigil pa rin ng PCG-Visayas ang barko na umabot ng isang buwan dahil sa nakitang mga problema sa mga kagamitan nito sa paglalayag. Dahil sa pagkaantala na makabiyahe, sinabi ni Chua na lumaki ang kanyang gastos sa operasyon na umabot ng kalahating milyon. Sa desisyon, kinatigan ng Ombudsman ang reklamo ni Chua na dahil sa ginawa ng PCG-Visayas ay nabigyan ng “unwarranted benefits, advantage and preference" si Benito Aratea Sr., na naghahabol din sa pag-aari ng mga mineral na bato. Si Arateo umano ang nag-aplay para makakuha ng TRO sa Pagadian City Regional Trial Court, pero hindi raw ito naipalabas. Nauna nang itinanggi ni Tan ang alegasyon laban sa kanya at iginiit na may basehan ang pagpigil sa LCT Kapitan na bumiyahe para matiyak ang kaligtasan nito sa paglalakbay. Si Tan ang ikalawang opisyal na itinalaga ni Aquino na nahaharap sa kasong katiwalian sa Sandiganbayan. Una rito si Presidential Adviser on Environmental Protection Nereus Acosta, na pinuno rin ng Laguna Lake Development Authority. Si Tan ay ipinalit ni Aquino sa nagretirong si Admiral Ramon Liwag. -- RP/FRJ, GMA News