Filtered By: Topstories
News

Kaanak ng Pinoy na nakakulong sa KSA, humihingi ng tulong kay PNoy


Humihingi ng tulong kay Pangulong Benigno Aquino III at sa Department of Foreign Affairs ang kamag-anak ng isang negosyanteng apat na buwan nang nakakulong sa Jeddah, Kingdom of Saudi Arabia (KSA). Sa isang sulat na ipinadala sa Malacañang, hinihiling ni Atty. Saidamen Dimaporo ang tulong mula sa gobyerno upang mapa-uwi ang kanyang kamag-anak na si Abdulfattah Mangadang Maute matapos mahuli ng mga opisyal sa Jeddah Internation Airport noong Setyembre 16, 2011. Mayroong dalang pera at alahas si Maute, na may kabuuang halagang sampung milyong piso, nang mahuli siya sa airport, ayon kay Dimaporo. Ayon sa mga pulis, pabalik-balik na umano si Maute sa Saudi Arabia na may dalang malaking halagang salapi at mga alahas. Maaari umanong humarap ang negosyante sa kasong money laundering. Kasalakuyan pang inaalam ng Office of the Undersecretary for Migrant Workers Affairs (OUMMWA) ng Department of Foreign Affairs ang kalagayan ng negosyante. Naunang babala Samantala, ayon sa Philippine Embassy doon, nauna na nilang binalaan si Maute sa posibleng paghain ng gobyerno ng Saudi Arabia ng kasong money laundering laban sa kanya. Ayon sa Embahada, 13 beses na umanong pabalik-balik ang negosyante sa naturang bansa. Kasalakuyan nang isinasa-ayos ni Atty. Dimaporo ang mga papeles ni Maute. — Amanda Fernandez, may kasamang ulat ni Fernando de la Cruz /LBG, GMA News