Inaasahan sa darating na araw ng Linggo ang pagbalik ng mga residente ng Barangay Basak Malutlut sa kani-kanilang tirahan, ang lugar kung saan nagsimula ang bakbakan sa Marawi City. Ngunit sa kanilang pag-uwi, tiyak na sasalubong sa kanila ang sari-saring problema.

Sa GMA News "Unang Balita" nitong Biyernes, sinabing naghanda na ang city health office sa pag-fumigate sa lugar para maiwasan ang dengue.

Ngunit problema pa rin ang kakulangan ng supply ng tubig, dahil iisa lang sa anim na pumping stations ang gumagana sa Marawi sa ngayon.

Mayroon ding problema sa supply ng kuryente kaya mga okupadong bahay lang muna ang lalagyan ng linya. —Jamil Joseph Santos/LBG, GMA News