Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Kambal-tuko: Ang magkasamang pagharap sa buhay ng isang conjoined twins



“Kung ano ang binigay sa ‘min ng Diyos, tanggap namin.”

Kambal-tuko ang bansag sa magkapatid na Tony at Johnny Cabanlig, parehong nasa mahigit 30 anyos. Dahil sa kakaibang porma ng kanilang katawan na magkadikit at tila hindi na mapaghiwalay, madalas silang nagiging tampulan ng tukso sa kanilang lugar sa Pampanga.

Ayon sa mga pag-aaral, isang pares sa 50,000 hanggang 100,000 na sanggol ang ipinanganganak na conjoined twins, o mga kambal na magkadikit ang isa o ilang parte ng katawan. At sa mga sanggol na may ganitong sitwasyon, 25 porsyento lang ang kadalasang nakaliligtas. Kaya naman maituturing nang mapalad sina Tony at Johnny dahil nagkaroon sila ng pagkakataong mabuhay sa kabila ng kanilang kalagayan.

Ngunit gaano kaya kahirap ang magkaroon ng isa pang kasalo sa iyong katawan?

Buhay bilang conjoined twins

Sorpresa ang pagdating ng isa pang sanggol sa buhay ng pamilya Cabanlig. Hindi inasahan ang pagdating ni Tony, dagdag pa riyan ang isa pang sorpresang kambal pala ang iluluwal mula sa sinapupunan.

“Sa bahay lang kami pinanganak eh. Do’n lang siya nagulat na may kakambal pa akong kasunod,” kuwento ni Tony. “[Sabi ng nagpapaanak], ‘Misis, ‘wag kayong magulat. Ang anak niyo’y kambal. May kasunod pa siya.’”
 

Paglabas ng sanggol, nakitang magkadikit ang kanilang mga pusod at bituka. Wala ring butas ang puwet ni Tony.

Nang sanggol pa ang dalawa, napagdesisyunan daw ng kanilang mga magulang na paghiwalayin sila, pero ‘di ito naisakatuparan.

“‘Pag sinasabi raw na ooperahan kami, nagse-serious kaming dalawa. ‘Yung parang nangingitim, namumutla kami,” kuwento ni Johnny. “Pero ‘pag sinabing huwag na paghiwalayin, bumabalik na ang kulay namin.”

Dahil pisikal na magkadikit ang mga katawan, magkasama nilang ginagawa ang lahat ng bagay, tulad ng pagluluto, paglalaba at paghuhugas ng plato. At dahil may edad na ang kanilang mga magulang at hindi na sila mapagtuunan ng atensyon at pangangalaga, natutunan na nina Tony at Johnny na sabay na kumilos at matustusan ang kanilang sariling pangangailangan.
 

Sa kasalukuyan nga, nagtitinda ang dalawa ng popcorn sa isang peryahan upang may mapagkunan ng panggastos. “Maski ganito kami, marami rin naman ang humahanga sa amin, kasi naghahanap-buhay kami,” ani Tony. “Ginagawa namin [ang] lahat para mabuhay sa mundo.”

Pagharap sa mga pagsubok at pangungutya

Dahil na rin sa kanilang kakaibang itsura, hindi tinatantanan ng mga panunukso ang kambal.

“Akala nila wala lang,” ani Tony. “Hindi nila alam, para sa ‘min, masakit. Hindi nila alam ‘yun. Kaya kung minsan, pinapabayaan na lang namin.”

“Pinagsasabihan din naman namin na puwede silang magtanong pero huwag lang kaming babastusin,” dagdag ni Johnny. “[‘Di ko alam] kung bakit kailangan pa kaming hubaran. Maraming kabastusan sila na sinasabi.

Gayunpaman, kahit na labis ang panlalait sa kanila, pinababayaan na lang nila ang mga ito upang hindi na lumaki pa ang gulo. Pasensiya lang umano ang sagot upang maiwasan ang mga panunukso sa kanilang dalawa.

“Kapag napikon kami, umaalis na lang kami,” kuwento ni Johnny. “Mahirap kasi kung papatol kami. Mahirap lumaban. Hindi naman kami makakatakbo nang mabilis eh.”
 

Imbis na maging hadlang, ginagawang sandalan ng kambal ang isa’t isa tungo sa katuparan ng pangarap na mas magandang buhay. Sa katunayan, dati pa raw pangarap ni Johnny ang maging inhinyero. “Pero hanggang pangarap lang yata, hindi ko naman magagawa. Bukod sa wala kaming masyadong pinag-aralan, [mahirap din] ang sitwasyon namin,” aniya.

Gayunpaman, patuloy pa rin silang umaasa na may magagandang-loob na tutulong sa kanilang dalawa upang umunlad ang kanilang buhay.

Kung mabigyan ng pagkakataon na mapaghiwalay silang dalawa, papayag ba sila? Tila wala na ito sa mga plano ng dalawa.

“Kasi ang tagal na naming nagsasama eh, tapos maghihiwalay kami… parang ang hirap,” ani Toni. “[Parang] mawawala ‘yung [isang parte ko],”

Dagdag ni Johnny, “Sa tagal ng panahon naming magkasama, tanggap naman namin [ang kalagayan namin]. Ganito talaga ang kapalaran namin eh. Ito ang ibinigay ng Diyos.” — Donna Allanigue/CM, GMA News
Tags: webexclusive