Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Magkasintahang teenager na humaharap sa pagsubok, tampok sa 'Front Row'


Inihahandog ng Front Row
“Walang Hanggang Pag-ibig”
February 12, Lunes ng gabi pagkatapos ng Saksi

Maagang nagmahalan ang noo’y kinse anyos na sina Sandra Entroso at katorse anyos na si Ben Pineda. Mayo 2016 nang sila ay maging magkasintahan.

Pero makalipas ang dalawang buwan, sinubok sila ng mabigat na pagsubok. Biglang nawalan ng malay at tumumba sa labas ng bahay si Ben. Isinugod siya sa ospital kung saan nalamang nawalan ng “oxygen” sa utak si Ben. Ito ang tinatawag na Hypoxemic Ischemic Encephalopathy.

Ang dating malakas niyang pangangatawan, ngayon, hindi na siya makabangon at makapagsalita. Bagamat nakaratay na lamang ang kasintahan, hindi nagawang iwan ni Sandra si Ben. Araw-araw pagkatapos ng kanyang klase, diretso si Sandra sa bahay nina Ben at tumutulong sa pag-aalaga sa nobyo.

Tiwala siyang ang pananalig sa Panginoon at ang walang sawa nilang pag-aalaga at pagmamahal kay Ben ang tuluyang magpapagaling sa kasintahan at magpapanumbalik sa dati niyang lakas.

Sundan ang kuwento ng “Walang Hanggang Pag-ibig” ngayong Lunes, February 12 sa "Front Row" pagkatapos ng Saksi sa GMA-7.