Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Mga hamon at pagsubok nang dahil sa pag-ibig, tampok sa 'Karelasyon'


Hindi lang puro sarap at ligaya ang hatid ng pakikipag-relasyon. Parte rin nito ang mga tukso at pagsubok na susukat sa katatagaan at katapatan ng pagsasama.

Ngayong Abril, ihahandog ng GMA Public Affairs ang bagong drama anthology na maglalahad ng totoong karanasan ng mga magkarelasyong nagkaroon ng matinding hamon sa pagsasama. Mga problema gaya ng pagkakaroon ng kabit; lihim na pagkatao; sobrang selos, ambisyon o bisyo; problema sa pamilya o katrabaho; obsesyon sa sex, pera o materyal na bagay.

Sa pamamagitan ng mga pagsasadulang pagbibidahan ng mga Kapuso Stars, at sa panulat at direksyon ng mahuhusay na independent film writers and directors, ipapakita sa “Karelasyon” kung anong hirap, sakit, kontrobersya o trahedya ang pinagdaraanan at hinaharap ng ilang kababayan natin nang dahil sa pag-ibig!
 
Ang Kapuso actress/ TV host na si Ms. Carla Abellana ang magsisilbing tagapaglahad ng mga kuwento, gaya ng storya ni “Minda” (Mylene Dizon), isang babaeng desperada nang magkaroon ng kinakasama sa buhay kaya mabilis na nagtiwala kay “Daniel” (Mark Herras) na hindi niya gaanong kakilala. Anong pasakit ang ibibigay ng lalaking ito kay “Minda” kung saan magiging parte pa ng panloloko ang anak niyang bakla na si “Ryan” (Martin Del Rosario)?

Isa pang storyang tampok sa “Karelasyon” ay tungkol kay “Marlon” (Marco Alcaraz) na sobrang naging maligaya nang mapangasawa ang dream girl niyang si “Tere” (Valerie Concepcion). Subalit unti-unting nagkaroon ng lamat ang relasyon nilang dalawa dahil sa unti-unting pagbago ng itsura at pag-uugali ng kaniyang asawa. Ano kayang pagpapabaya ang nagawa ni “Tere” habang lumalaki ang kanilang pamilya?

Matutunghayan din sa “Karelasyon” ang kuwento ng mag-asawang sina “Lily” (Kris Bernal) at “Paul” (Rocco Nacino) na sa kagustuhang magkaron ng anak ay tinuring na pamilya si “Rowena” (Karen Delos Reyes), isang disgrasyadang babaeng pumayag ipa-ampon ang ipinagbubuntis na anak kapalit ng pera. Pero kalaunan, higit pa sa salapi ang nanaisin niya, at ito ang magiging pagsubok sa katatagan at katapatan ng pagmamahalan ng mag-asawa.
Abangan ang mga storyang ito at ang aral na mapupulot mula sa mapait, makulay at kakaibang kuwento ng mga magkarelasyon! Ngayong April 11 na, Sabado, sa GMA-7!

Sundan ang Karelasyon sa Facebook at Twitter.