Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

'Sextortion': Ang kaso ng dalagang ipinakalat ang hubad na larawan sa internet


Ang kuwentong ito ay unang itinampok sa "Imbestigador". Ang mga larawang ginamit ay halaw sa pagsasadula ng kaso. Napapanood ang "Imbestigador" tuwing Linggo ng gabi sa GMA-7, 9:15 p.m., pagkatapos ng Kapuso Mo, Jessica Soho. I-like ang official Facebook page ng Imbestigador para sa updates.






Sa lungsod ng Baguio nagkakilala sina Romnick at "Hazel", hindi niya tunay na pangalan. Marami ang nagsabing sa "friendzone" lamang mauuwi ang panliligaw ni Romnick pero hindi ito pinakinggan ng binata. Tahimik siyang nagtiyaga sa kanyang panliligaw kahit pa kinalaunan ay "BFF" lang ang tingin ng dalaga sa kanya.

Pero ayon nga sa isang kasabihan, kung walang tiyaga, walang nilaga. Sa katagalan ng kanyang panliligaw ay napasagot din niya ang dalaga. "Malambing tapos parang lagi siyang nagsu-surprise," pahayag ni Hazel tungkol sa boyfriend. Lalo rin daw siyang napamahal dito dahil hindi man artistahin ang dating ng binata, lutang na lutang naman ang sense of humor nito. Madalas rin daw siyang biruin ni Romnick sa mga pick-up lines. "Hinahatid sundo pa niya ako. Sinasamahan niya ako sa klase ko, nakiki-seat in siya minsa. Lagi rin kaming kumakain," dagdag pa ng dalaga.

Palabiro man, hindi naman pinagdudahan ni Hazel kung seryoso ito sa kanya. Hindi raw kasi nagkulang si Romnick sa pagpaparamdam na mahal na mahal siya nito. "Binigyan niya ako ng portrait kasi nagdo-drawing siya, ginawan niya ako," ani Hazel. Piinakilala niya ako sa mga friends niya saka pinakilala rin niya ako sa magulang niya."

Gayunman, nang si Romnick naman ang ipakilala ni Hazel sa mga magulang ay hindi naging mabuti ang resulta. Labis na tinutulan ng mga magulang ng dalaga ang relasyon ng dalawa. "Pinagsabihan ako ng mother ko na huwag daw akong sumama sa kanya, mukhang hindi raw mapagkakatiwalaan," kuwento ni Hazel. Hindi naman nagpatinag ang magkasintahan at kahit pa may tutol ay ipinagpatuloy pa rin nila ang kanilang relasyon.



‘Long-distance relationship’


Subalit isang pagsubok ang tila naging mitsa ng kanilang pagtitinginan para sa isa't isa. Isang taon sa kanilang relasyon, naghiwalay ang mga magulang ni Hazel, dahilan para sila ay lumipat ng tirahan sa Maynila. "Binaba na kami ng mother ko kasi wala naman kaming relatives sa Baguio," ani Hazel. Dahil dito, kinailangang magpaalam ng dalaga sa kanyang nobyo. Maayos naman ang napagkasunduan ng dalawa: hindi magiging hadlang ang distansya sa kanilang pag-iibigan. Kilometro man ang layo nila sa isa't isa, madalas pa rin daw silang magka-text o kaya naman ay magka-chat sa internet. Mahilig din sila sa video call para makita't makausap ang isa't isa sa internet.

"Mapagkukuwentuhan ko siya ng mga problema, nakikinig siya," pahayag ni Hazel. Nagsasabi rin daw si Romnick ng mga problema sa kanya at nagpapalitan sila ng payo. Pinipilit nilang maging matatag para sa isa't isa kahit pa sila'y magkalayo.

Subalit sa paglipas ng mga araw at buwan ay unti-unting naramdaman ni Hazel na lumalayo na ang loob niya sa binata. "October 2010, nakipagbreak na ako sa kanya," anang dalaga. Sa text idinaan ni Hazel ang pakikipaghiwalay sa nobyo kaya tila gusto ng "formal closure" ni Romnick mula sa kasintahan. "Kinokontak-kontak niya pa rin ako. Gusto niya lang naman makipag-meet, gusto lang niya ng formal break up eh ayoko na talaga nung time na yun."

Hindi naman pumayag si Hazel na makipagkita kaya naman dito na pala magsisimula ang gulo.





Balikan o kahihiyan?

"Ilalabas daw niya yung mga videos, sex videos at saka pictures doon sa internet," ani Hazel. Binantaan siya ni Romnick na kung hindi ito makikipagbalikan sa kanya ay ilalabas niya ang mga larawan ng dalaga kung saan ito ay nakahubad o kaya ay nakikipagtalik. Noong una'y ayaw maniwala ni Hazel ngunit mismong si Romnick na rin ang nagpagtunay na meron nga siyang hawak na mga hubad na litrato ng dalaga. "Hindi ko alam. Hindi ko kasi alam na kinukuhanan niya ako, yung iba panakaw lang yun," saad ng biktima.

Dahil dito, napilitan na rin si Hazel na gawin ang gusto ng nobyo. Takot rin kasi siyang maeskandalo kapag kumalat pa ang mga hubad na larawan niya sa internet. "Nagkausap na kami, parang sige, inano ko na lang baka nga pwede pang mag-work," ani Hazel. Pinasok niyang muli ang pakikipagrelasyon sa dating kasintahan kapalit ng hindi pagpapakalat nito sa mga hubad nitong larawan at video.

Kung sa iba ay "love is sweeter the second time around," iba ang naging kaso kina Hazel at Romnick. Bumalik man daw kasi ang lambing ni Romnick, iba na ang pakiramdam ni Hazel sa binata. Tila may takot at pangamba na si Hazel sa pakikipagbalikan sa nobyo.

Magkasama silang tumira sa isang boarding house malapit sa kolehiyong pinapasukan ni Hazel. Dito pala mararanasan ni Hazel ang higit na pagmamalupit sa kanya ng nobyong dati'y palabiro't malambing.

"Mas naging mahigpit na siya sa akin. Kailangan bago mag-5 nakauwi na ako. Kung hindi ako nakauwi ng 5, tatakutin niya ako, minumura niya ako," pasumbong na pahayag ng dalaga. "Ayaw niya kasing may kasama ako. Pag nale-late lang ako ng uwi, yun dun sya nagagalit." Sobra daw siyang pinaghigpitan ni Romnick. At ang mas matindi rito, pinagbubuhatan din siya ng kamay ng binata. "Ginugulpi niya ako; binubugbog, sinasampal, inuumpog minsan sa pader," ani Hazel. Sinabi rin niyang gumagamit ng ipinagbabawal na gamot ang kinakasama. "Kinakaladkad niya ako tapos sinisikmuraan," dagdag niya.





Ang regalong CD


Isang taon ding tiniis ni Hazel ang mapang-abusong relasyon sa kinakasama. Hanggang sa isang araw, sinorpresa siya nito at binigyan ng isang regalo. "Inabot niya yung CD sa akin, yun nga yung mga videos," sambit ni Hazel. Iyon na raw ang huling kopya ni Romnick sa mga hubad na larawan at video ni Hazel. Inihandog ito sa kanya ng nobyo para patunayang seryoso siya sa pakikipagbalikan dito at para na rin muling makuha ang tiwala ng dalaga. Agad namang sinira ni Hazel ang CD para ibaon na sa alaala ang mga larawan.

Dito na rin naglakas loob si Hazel na makipagkalas sa nobyo at umalis sa mala-patibong nilang relasyon. Sa loob ni Hazel, makakamit na rin niya ang katahimikan mula sa panggugulo ni Romnick.

Iyon pala ay maling akala.

Mismong mga kaklase pa at kaibigan ni Hazel ang nakakita sa mga hubad niyang larawan sa isang networking site. "Ina-add niya yung mga friends ko gamit yung ginagawa nyang fake account na merong mga uploaded videos," kuwento ni Hazel. Gamit ang pangalan ng dalaga at mga hubad na larawan, bumuo umano ng pekeng profile sa internet si Romnick para hiyain ang dating kasintahan.

Labis na ikinalungkot ni Hazel ang pangyayari. "Dumating na ako sa time na parang ayaw ko nang lumabas. Ayaw ko nang pumasok kasi nahihiya rin ako," saad ni Hazel. Gayunman, bukas isip siyang inakay ng mga kaanak at kaibigan sa pagsubok na kinakaharap. Agad nilang ipinadam kay Hazel ang suporta para malampasan ang dagok na ito sa kanyang buhay.

Kasama ang kanyang mga mahal sa buhay, dumulog si Hazel sa Imbestigador Action Center para na rin matigil na ang kahihiyang idinulot sa kanya ng ex-boyfriend na si Romnick.



Ex-boyfriend, timbog


Agad namang umaksyon ang "Imbestigador" at nakipag-ugnayan sa mga awtoridad para sa agarang ikadadakip ng suspek. Napag-alaman  din ng mga pulis na nais makipagkita ni Hazel kay Romnick para kunin ang natitirang kopya ng mga larawan kaya sinamantala na nila ito para madakip ang suspek.

Sa isang basketball court sa lungsod ng Las Piñas napagkasunduang magkita nina Romnick at Hazel. Kasama ang mga alagad ng batas ay pumunta na sa lugar si Hazel para kunin ang pakay niyang kopya mula sa dating nobyo. Sa usapan ng dalawa ay sa isang kalapit na playground sila magkikita ngunit tila nakatunog ang binata. Mailap ito at palingun-lingon habang hinihintay ang pagdating ni Hazel. Nang makita niya ang dalaga ay hindi rin niya ito dinala sa playground at bagkus, naglakad sila palayo sa basketball court.

Napalubog ng isang asset ang mga operatiba para masundan ang galaw ng suspek. Sa isang waiting shed dinala ni Romnick si Hazel. "Hiningi ko sa kanya yung kopya pero ang gusto niyang mangyari, pumunta muna kami sa  motel saka niya ibibigay yung kopya," kuwento ni Hazel. Dito na sumugod ang mga alagad ng batas para dakpin si Romnick. Pormal siyang inimbitahan sa presinto at maayos namang sumama ang binata.

Sa presinto, nakuha mula sa suspek ang dalawang cellphone. Sa inisyal na imbestigasyon ay walang nakitang anumang malalaswang larawan o video sa mga ito pero ayon sa hepe ng pulis, isasailalim pa sa forensic examination ang ebidensya para matingnan kung may mga larawan dito na nabura na. Maaari itong magamit laban sa suspek kapag may nabawing mga larawan.

Pinabuksan din kay Romnick ang kanyang email account. Doon nakita ang mga video ni Hazel habang siya'y nakahubad. Ani Hazel, ini-record pala ni Romnick ang mga video niya habang ipinapakita ang katawan. Pinilit din daw siya ni Romnick na gawin ito dahil sa mga pagbabanta.

Nakumpiska din ng mga pulis mula kay Romnick ang pinatuyong dahon ng marijuana. Itinanggi niyang sa kanya ang nakumpiskang ipinagbabawal na droga at iginiit na ipinahawak lamang ito sa kanya ng kalaro sa basketball.



‘Think before you click’

Patung-patong na kaso ang isinampa laban kay Romnick. Una dito ang paglabag sa Anti-Photo and Video Voyeurism Act. Dagdag pa rito ang kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act at sa Anti-Violence against Women and their Children. Kasalukuyan pang nakabinbin ang kaso sa husgado.

Si Hazel naman, pinipilit nang bumangon mula sa pagsubok na kinaharap. Hiling niya ang ikapapanatag ng kanyang kalooban lalo pa't nakapiit na ngayon ang taong nagpatibok sa kanyang puso at dumurog din nito.

Sa pag-usbong ng makabagong teknolohiya, umuusbong din ang mga makabagong responsibilidad kung ano ang inilalagay o inilalabas natin dito. Ang anumang ipo-post natin sa internet ay maaaring manatili doon sa loob ng matagal na panahon kaya naman importanteng isipin muna ang sasabihin o ipo-post sa mga social networking site.

Mga Kapuso, ang lagi nating paalala, "think before you click."—Irvin Cortez/CM, GMA News

Narito ang iba pang mga web narratives ng mga kuwentong itinampok sa programa:
Bodega: ang kuwento ng pagdukot kay Baby Ekham
Kuwadradong pag-ibig: Ang kuwento ng babaeng nagmahal sa tatlong lalaki
Love triangle: Kuwentong-krimen sa pagitan ng magkabarong pulis 
Inside job: Ang kuwento ng panloloob sa pamilya Sinday
Regalong sinturon: Ang kuwento sa likod ng Kayang Massacre 
Bantay-salakay: Ang pagkakatiklo ng most wanted ng Bobon 
Marahas na kaarawan: Ang kuwento ng lalaking nag-amok sa Caloocan
Kawayan: Ang misteryo sa likod ng pagkamatay ni Jayvee Vitug
Ganti ng dating kasintahan: Ang kaso ng lalaking sinabuyan ng asido
Sa mga kamay ng manggagamot: Ang kuwento ng dukot-mata sa Pangasinan

Ang bisita nina nanay: Ang kuwento ng Palawan double murder case
Ang bracelet ni Pabo: The Guagua double murder case story
'Taong Putik': Ang kuwento sa likod ng Kawit hostage drama
Uuwi na si Daisy: Isang 'Imbestigador' Exclusive
‘Self-Defense Instinct’: The Rafael Parricide story