Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Up close and personal with ‘Pambansang Bae’ Alden Richards


Tila tumitigil ang oras tuwing tanghalian, hindi lang dito sa Pilipinas, kung hindi sa iba’t ibang parte ng mundo. Ang mga terminal ng mga pampublikong sasakyan, tumitigil sa pasada. Ang mga tindahan, pansamantalang nagsasara. At ang mga opisina, istrikto sa implementasyong ng kanilang break time!
 
Ang lahat daw kasi, nakatutok na sa kani-kanilang mga telebisyon para sa kauna-unahang “Kalyeserye" sa Philippine TV, ang pinakabagong handog ng longest-running noontime ng bansa na Eat Bulaga… ang #KiligPaMore!
 
Sikat na sikat nga ngayon ang tambalang #AlDub, na pinagbibidahan ng Kapuso young actor na si Alden Richards at ng tinaguriang Dubsmash Queen na si Maine Mendoza na kilala bilang si Divina Ursula Bocoba Mash o Yaya Dub. Tampok din siyempre ang pinakamalalaking balakid sa kanilang pagmamahalan – sina Lola Nidora (Wally Bayola) at Frankie Arenolli (Jose Manalo).
 
Mula nang aksidenteng madiskubre ang love team na #AlDub, araw-araw na nilang pinakikilig ang mga manonood mula sa iba’t ibang parte ng mundo. Lahat nakatutok kung kailan nga ba ang tamang panahon upang sila ay magkita.
 
Bago pa maging worldwide phenomenon ang kanilang love team, naitampok na sa KMJS si Yaya Dub! Larawan pa siya noon nang isang suplada at walang imik na dalaga – tila nagmana kay Lola Nidora, ang istriktang donya. Pero si Yaya Dub, tila napalambot ng isang Alden Richards!
 
Pero sino nga ba naman kasi ang hindi kikiligin at hindi maaakit sa kakaibang charm ni Alden, ang itinuturing na ngayong “Pambansang Bae ng Pilipinas.” Guwapo, mabait, may talento, madasalin at may magandang disposisyon sa buhay – ano pa nga ba ang hahanapin kay Alden?

 
Eksklusibong nakapanayam ni Miss Jessica Soho si Alden. At dito, ibinahagi ng binata ang ilang detalye sa kaniyang buhay. Narito ang ilang bahagi ng panayam:
 
JS: Alden, una sa lahat, thank you ha?
AR: Thank you rin po, Ms. Jessica. Thank you po for having me here.
 
JS: Unang-una, ang totoong pangalan mo raw ay Richard Faulkerson Jr.?
AR: Yes po.
 
JS: Sounds foreign?
AR: It's foreign po. Ms. Jessica my dad po is half-American but I never got the chance to meet my grandfather kasi after a few years, before pagkapanganak po ng grandmother ko sa dalawa niyang anak, umalis na po ‘yung father nila for the States. And then they never saw each other again so hindi ko na po nakilala.
 
JS: Pero, ano ‘yun? Nararamdaman mo ba na may dugong Amerikano ka o Pilipinong-Pilipino?
AR: Ako po, Pinoy by heart and by deeds so 100% pure Pinoy po.
 
JS: Laking Laguna?
AR: Laking Laguna po, Sta. Rosa.
 
JS: Promdi?
AR: Promdi! Proud promdi po.

 
JS: Alden, anong pakiramdam na kahit saan ka siguro magpunta ngayo talagang sobra 'yung effect mo sa tao? Anong pakiramdam nu’n?
AR: Nakaka-overwhelm po siya Ms. Jessica, to tell you personally po, iba ‘yung feeling na since I started with Eat Bulaga, ‘yung pagtanggap po sa akin ng tao ngayon, mas tumindi, mas uminit. At saka natutuwa po ako na kapag gumagawa ako ng mga out-of-town shows, talagang fan po sila ng Eat Bulaga, and fan po sila ng Aldub tandem. Pero I try not to put it sa isip ko po, lagi lang sa puso kasi siyempre 'pag nagsimula po ‘yung paglaki ng ulo ng isang artista, du’n po nagsisimula mawala lahat e, so ‘yun po, relax lang, kalma lang.
 
JS: Hindi pa nababasag ‘yung eardrums mo sa tili?
AR: Music to my ears po, Ms. Jessica. Mas nakaka-motivate po na alam ninyo ‘yun, parang na-appreciate nila ‘yung presence mo, you've been there sa venue kung nasaan sila. And mas nakaka-encourage mag-perform.
 
JS: Ikuwento mo nga paano ba nadiskubre 'tong AlDub? Aksidente lang daw?
AR: One day, sabi po nu’ng mga taga-Eat Bulaga, “O Alden, gusto mo bang manood ng Juan For All, All For Juan sa stage?” Sige po, okay lang po. And then, pinapanood ko si Kuya Wally doing his comedy. And then, bigla po siyang nagtanong kay Yaya Dub kung ano’ng masasabi niya sa mga nag-tweet. Tapos nu’ng pinitik po kay Yaya Dub ‘yung camera, nagda-dubsmash siya. Tapos nandu’n lang naman po ako, nanonood. And then, swinitch din po sa akin ‘yung camera. Tapos out of the blue, parang bigla pong na-distract si Yaya Dub. So, natural po na natural ‘yung pagka-distract niya, so parang may kilig po nang konti. After po nu’n, du’n na po nagstart, dire-diretso na po.
 
JS: Du’n pala nagsimula ‘yung phenomenon, sa cutaway?
AR: Du’n po, sa cutaway. A cutaway love story.
 
JS: Pero mukhang may chemistry e, di ba?
AR: Yes po, nakakatuwa kasi the good thing about po this tandem, Ms. Jessica, personally po hindi pa kami nagmi-meet.
 
JS: Talaga?
AR: Promise po. 100%, never ko pa siyang nakikita, we don't text, we don't call each other, we don't mention each other on social media. So that maintains the mystery po e, the magic, that's what you call it po. So siguro kahit ako po personally, as Alden, nae-excite na rin po akong makita siya kaya lang siguro, sabi nga po ni Lola Nidora, sa tamang panahon.
 
JS: Para na kayong nagstart ng pop culture on your own?
AR: Yes po. Kasi ‘yung sa tamang panahon po, ang context po kasi talaga niyan is very educational naman po, kumbaga sabi po ni Lola Nidora before sa isang episode po, "Lahat ng bagay po hindi dapat minamadali, lahat po ng bagay pinaghihirapan. Hindi porke't nag-fansign na, kayo na. Hindi porke't nagtext-text na, love agad."
 
JS: Pati ako, nahook sa AlDub!
AR: Thank you po, Ms. Jessica.

 
JS: Pero wala ka bang girlfriend?
AR: Wala po ngayon. Single.
 
JS: Ito pa ang hindi nila alam sa backstory mo, hindi ho pumasa si Alden sa Starstruck, hanggang top 60 lang siya.
AR: Hindi po.
 
JS: So anong ibig sabihin nu’n na ni hindi ka nakapasa sa Starstruck pero heto ka ngayon?
AR: Du’n po sa Starstruck part, Ms. Jessica, aaminin ko po talaga sobra po akong na-destroy. Dinestroy niya po ako after nu’ng nangyari ‘yun. Nawasak po ako kasi ginagawa ko po ito, kasi ito po ‘yung pangarap ng mommy ko sa akin po, nu’ng nabubuhay pa siya.
 
JS: Ayaw kitang paiyakin, pero I'm sure kung nasaan man ang mommy mo ngayon, proud na proud siya sa'yo?
AR: Yes po, sana.
 
JS: Anong sinasabi mo pag sobra mo siyang nami-miss?
AR: Minsan po, minsan pag may time, kakausapin ko siya sa bahay, pag-uwi ko, pag mag-isa na lang ako sa kwarto ko, nagti-thank you po ako sa kaniya. Kasi ako po, naniniwala po ako na if you have a deceased love one, siya po ‘yung pinaka-bridge mo towards the Lord. Siya po ‘yung pinaka-messenger. So ‘yung mom ko po ‘yung naging messenger ko kay Lord kaya malakas po ako kay Lord, ‘yung dasal ko po lagi niyang sinasagot.

 
JS: Katulad din ba ng tipikal na istorya ng mga artista natin na eventually sila ‘yung nagtataguyod ng kanilang mga pamilya?
AR: Yes po. Tinutulungan ko po ‘yung father ko. Yan po, ‘yung sister ko po, gagraduate na po next year ng college.
 
JS: Ikaw ang nagpapaaral?
AR: Yes po. Ang dami na rin pong nabago mula po nu’ng nag-artista ako kasi ito pong showbiz, napakalaking opportunity po sa isang tao, napakalaking bagay niya, napakalaking tulong niya para makapagpabago ng buhay. So it's really upon the person kung paano niya po iha-handle ‘yung career niya. Kasi ito pong showbiz very extreme magbigay ‘yan e. Kapag hindi po na-handle nang mahusay ‘yung fame, ‘yung popularity, ‘yung benefits ng showbiz, mami-mislead din po kayo. So dapat talaga you know how to take care of it.

 
JS: So what are you doing para hindi ka maligaw despite everything that you're enjoying now?
AR: Ako po, dasal lang po, Ms. Jessica. Napakatotoo sa sarili po, sincere na prayer po every time. Never lose the connection po with the Lord kasi pakiramdam ko po since nu’ng nakilala ko po talaga ‘yung Panginoon nang totoo, siya na po ‘yung nagli-lead sa akin e, wala na po akong ginagawa.
 
JS: Napanood rin kita sa ibang TV shows mo. What sets you apart, magaling kang umarte. ‘Yung acting mo daw, ‘yun daw ang bentahe mo talaga?
AR: Yes po, ‘yun po ‘yung isa sa mga minahal ko rito sa showbusiness, Ms. Jessica, more than anything po talaga. Siguro po ‘yung pagpapa-cute, ginagawa ko po yan for the viewers, for everyone, ‘yung singing, ‘yung dancing is for everyone. ‘Yung acting po, ginagawa ko po 'to para sa sarili ko kasi I'm an actor by heart kaya ‘yung pagmamahal ko po sa craft, ‘yung pagmamahal ko po sa mga role na ginagampanan ko, talagang lahat po binibigay ko.


 
JS: Alden, ang gaganda nu’ng mga break na napunta sa'yo from the start, di ba ‘yung The Road, highly-acclaimed na movie ‘yun e, Panday. Tapos nu’ng minsan gumawa ng plug ang GMA on our heroes, akalain mong si Jose Rizal ka?
AR: Yes po. Malaki po ang pagpapasalamat ko sa network sa mga break, Ms. Jessica ,kasi never ko pong na-feel na napabayaan po ako.
 
JS: Bigla kang pumatok nang bonggang-bongga. So saan mo kaya nakikita pa ‘yung sarili mo na papunta?
AR: Siguro po, sana po wala lang pong magbago sa support ng mga supporters, ng mga naniniwala po sa akin, ‘yung suporta po sa lahat ng mga ginagawa ko kasi kung hindi po sila magsasawa, hindi rin po akong magsasawang gawin ‘yun para mapaligaya sila. So siguro po 5 years from now, Ms. Jessica, tuluy-tuloy pa rin po ako sa pagpapaligaya po ng mga Kapuso.
 
---Carlo Isla/BMS, GMA Public Affairs

 

Mapanonood ang "Kapuso Mo, Jessica Soho" tuwing Linggo ng gabi sa GMA. Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa programa, sundan kami sa Facebook, Twitter at Instagram. Para naman sa impormasyon tungkol sa mga paborito n’yong Public Affairs program, sundan ang GMA Public Affairs.
Tags: webexclusive