Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs
PUBLIC AFFAIRS WEBEXCLUSIVE

Ang maikli ngunit matamis na buhay ni Chef Hasset Go


Sa edad na 29, isa siya sa pinakabatang celebrity chef sa bansa. Tinagurian siyang Sweets Master dahil ang mga ginagawa niyang cake, ubod daw talaga ng sarap. Sa katunayan, ang isa sa mga orihinal niyang dessert recipe, ang Apple Crumble Cheesecake, hinirang na Best Dessert sa buong bansa, ayon sa Philippine Daily Inquirer.
 
Siya si Chef Hasset, isa sa mga maituturing na suki ng programang “Kapuso Mo, Jessica Soho.” Bukod sa ilang beses niyang pagpapaunlak ng pagluluto sa mga segment, nakasama rin siya Opening Billboard ng programa.
 
Isa sa mga panayam ng programang "Kapuso Mo, Jessica Soho" kay Chef Hasset Go.

Naging katuwang din siya ni Ms. Jessica Soho sa pagluluto at pagbebenta ng tapa para sa mga nasalanta ng bagyong Yolanda noong ika-10 anibersaryo ng KMJS.

Pero lingid sa kaalaman ng marami, may iniinda palang karamdaman si Hasset. At kahapon nga lang, Oktubre 24, binawian na ng buhay ang batang chef.
 
Noong Miyerkules, nakapanayam pa ni Ms. Jessica Soho si Hasset upang kumustahin siya sa kaniyang karamdaman. Pero iyon na pala ang magiging huling panayam sa kaniya.
 
Sakit ng magkakapatid
 
Noong isang taon, naharap sa pagsubok ang pamilya nina Chef Hasset. Na-diagnose kasi na may stage 4 liver cancer ang kuya niyang si Rowden. Matatandaang nag-viral ang video ni Rowden na habang nasa sa bingit ng kamatayan, pinakasalan ang kaniyang kasintahan, bago siya tuluyang namatay.
 
At isa nga sa nakapanayam ng KMJS si Chef Hasset tungkol sa kuwento ng kapatid niyang si Rowden.
 
Makalipas ang tatlong buwan, muling nagkasama si Chef Hasset si Ms. Jessica Soho. Bukod sa nakasama siya sa billboard shoot ng KMJS, nagluto at nagtinda sila ng tapa at longganisa ni Marian Rivera upang makalikom ng pondo para sa mga nabiktima ng bagyong Yolanda.

Kasama ni Ms. Jessica Soho si Chef Hasset Go na nagluto at nagbenta ng tapa para sa mga biktima ng bagyong Yolanda.

Pero noon palang, inamin na ni Chef Hasset na nakitaan na rin siya ng mga sintomas ng liver cancer.
 
Matapos kasing pumanaw ni Rowden dahil sa liver cancer, nagpacheck-up ang kanilang buong pamilya. Dito na nakita na nasa Stage 2 liver cancer na rin si Chef Hasset. Ang ina nilang si Lorelei, wala raw sakit o anumang tama sa atay. Pero ang bunsong kapatid nito na si Hisham, mayroon daw liver cirrhosis.
 
“Nu’ng una, nanlambot kami. Akala namin tapos na kay Kuya Rowden. Tapos, kami pa pala. Umiyak kami nang saglit tapos nag-usap. Alam namin na Diyos parang nagte-test lang sa amin, kasi alam Niyang matatag kami na family and 'yung family namin will stay faithful kahit sa trials na binibigay Niya sa amin,” pagkukuwento ng bunsong si Hisham.
 
Si Lorelei, halos gumuho ang mundo nang malaman isa na naman sa mga anak ang may liver cancer.
 
“Siyempre, masakit para sa isang nanay na tulad ko. Pero sabi nga ni Hasset, ‘Ma, lahat ng ito pagsubok lang. Isipin mo na lang na may Panginoon. Siya ang nagko-control sa ating lahat. Hindi natin alam kung ano’ng plano niya sa family natin.’ Basta huwag lang daw kami bibitiw,” sabi ni Lorelei.
 
At makalipas nga ang isang taon, nagtuloy-tuloy na pala ang sakit ni Chef Hasset. Naabutan pa ng KMJS si Chef Hasset sa Philippine General Hospital. Ang kaniyang mga kaibigan, nangangalap na rin ng tulong at dasal sa social media.
 
Ulirang anak
 
Ayon kay Lorelei, si Chef Hasset na ang tumayong breadwinner ng kanilang pamilya. At para sa kaniya, isang ulirang anak si Hasset. Bata pa lang, matulungin na raw talaga ito, hindi lang sa kusina, kundi maging sa iba pang mga gawaing bahay.
 
“Sa tatlo kong anak na mga lalaki, siya ‘yung hindi iyakin. ‘Yung pag gawaing bahay, talagang ginagawa niya. Kaya naging paborito siya sa mga tita niya, mga auntie niya, kasi ‘yung attitude niya, talagang kahit saan siya, ‘yung kumikilos siya sa gawaing bahay,” pagkukuwento ni Lorelei.
 
Naging kanang-kamay rin si Hasset ng kaniyang ina sa pagbe-bake ng mga paninda nilang pastries, kaya naman nakahiligan na rin daw ng binata ang paggawa nito.
 
“Actually, magdadala pa siya noon sa school at ibinebenta niya. Sinabi ko, ‘pag maubos mo yan, may P50 ka. What is 50 pesos that time? Masaya na siya sa ganoong paraan,” pagkukuwento ni Lorelei.
 
Lumaking malapit sa bawat isa ang magkakapatid na Rowden (kaliwa), Hisham (gitna) at Hasset (kanan). (Photo Credit: Chef Hasset Go I Facebook Page)

At noon pa man, pangarap na ni Hasset ang maging chef! At dahil dito, kumuha siya ng six-month culinary course. Nakipagsapalaran siya sa Maynila, at nagtayo ng negosyo kasama ang kaibigang si Jayson. Nagsu-supply sila sa mga coffee shop at restaurant.
 
Nag-aral din si Hasset sa culinary school ng sikat na chef na si Heny Sison. At dito na unti-unting siyang nakilala, pati na rin ang matatamis niyang recipe.
 
Ilang awards ang kaniyang natanggap sa pagbe-bake tulad na lang ng Asian Star Achiever Award for Culinary mula sa Global Excellence Award. At dahil artistahin, kabi-kabila rin ang kaniyang mga TV guesting tulad ng Unang Hirit at Pinoy MD. Bagay na ipinagmamalaki ng kaniyang ina at mga kapatid.
 
Isa sa mga orihinal na recipe ni Chef Hasset Go, ang Apple Crumble Cheesecake.

Christmas wish
 
Sa kabila ng sakit at hirap na pinagdaraanan ni Chef Hasset, pinipilit pa rin daw magpakatatag ng kaniyang ina.
 
“Wala akong ibang i-wish kasi magki-Christmas na. Sana si Hasset na lang ang regalo. Si Hasset na lang... Hindi ko kayang makita siyang nasasaktan. Kung ano’ng pain ang naramdaman niya, ‘yun din ang pain na naramdaman ko, talagang mas masakit pa,” sabi pa ni Lorelei.
 
Maging si Chef Hasset, may munting hiling – ang magdaos ng isang advance Christmas party sa kaniyang ward.
 
Pero ang munting hiling na ito ni Hasset, hindi na natupad. Sa pagpanaw niya kahapon, hindi na naabutan pa ni Hasset ang inihahandang munting sorpresa ng kaniyang pamilya at malalapit na kaibigan para sa kaniya.
 
Para naman sa kapatid niyang si Hisham, hindi raw nila malilimutan ang mga alaalang iniwan ng kaniyang Kuya Hasset. At labis din ang pasasalamat niya sa mga taong tumulong sa kanilang pamilya sa gitna ng kanilang pinagdaraanan.
 
“Ang daming tumulong, ang daming nag-abot. May mga taong hindi namin kilala personally na nag-reach out sa amin through social media. May family kami na hindi namin nakita for a long time pero nag-abot pa rin ng tulong. Nagpapasalamat din kami sa mga tao na nag-offer ng assistance nila in other ways, hindi namin kayo malilimutan,” sabi pa ni Hisham.
 
Maaga mang nawala si Chef Hasset, matatamis na alaala naman ang naiwan niya sa kaniyang pamilya at mga kaibigan.

Sa dinami-rami na ng nailuto at naihandang pagkain ni Chef Hasset, kung maaaring lang na mapawi ng mga ito, hindi lang ang gutom, kundi maging lahat ng pait at sakit. At matira na lang ang matatamis na alaala, para palakasin pa ang loob ng kaniyang pamilya.

Sa mga nais magpaabot ng tulong sa pamilya ni Chef Hasset Go, maaari ihulog ang inyong donasyon sa mga sumusunod: CITIBANK / Account Name: Hisham Pangcoga / Acct. Number: 8611899735 at METROBANK / Account Name: Lorelei Go Pangcoga / Account Number: 513-3-531-04637-6 --- CPI/BMS, GMA Public Affairs

 

Mapanonood ang "Kapuso Mo, Jessica Soho" tuwing Linggo ng gabi sa GMA. Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa programa, sundan kami sa Facebook, Twitter at Instagram. Para naman sa impormasyon tungkol sa mga paborito ninyong Public Affairs program, sundan ang GMA Public Affairs.