Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Pasukin ang tahanan ni 'Mr. Rock and Roll' RJ Jacinto


Kilala ang boses niya at ang mga awiting pinatutugtog niya sa radyo. Isa siya sa kinikilalang nagtaguyod ng rock and roll music sa Pilipinas. Hindi maipagkakailang malaki ang naging impluwensiya ni Ramon "RJ" Jacinto sa larangan ng musika sa bansa.  Pinatuloy ni RJ Jacinto ang programang "Powerhouse" ng GMA News TV sa kanyang tahanan, na kanya mismong idinisenyo kasama ng asawang si Frannie.  Piling-pili ang mga gamit at muwebles na makikita sa tahanan ng mga Jacinto. Marami sa kanilang mga gamit sa bahay, minana raw ng mag-asawa sa kanilang mga magulang. "We wanted [the house] to be as simple and as clutter-free as possible," ani Frannie.  Tampok sa bahay ang ilang gamit na ibinigay kay RJ ng mga prominenteng tao sa bansa, gaya ng cigarette box na regalo raw ng dating Pangulong Fidel V. Ramos.  Makikita rin ang litratong ito ng mag-asawa kasama ang dating Senador Ninoy Aquino. Noong panahon ng Martial Law, nanirahan ang pamilya Jacinto sa Amerika matapos ma-exile roon. Noo'y nag-take over ang Marcos government sa radio station na DZRJ, na itinaguyod ni RJ noong siya'y 16 taong gulang lamang.  Sa living room, makikita ang mga pilak na muwebles na ito, na ayon kay Frannie ay gawa pa raw sa mga tinunaw na baryang pilak. Kolektor ng paintings ang asawa ni RJ na si Frannie. Ani RJ, si Frannie raw ang namimili ng mga paintings na naka-display sa kanilang tahanan, at pabiro niyang sinabing hindi siya pamilyar sa mga painting na ito.  Pero ito na siguro ang painting na siguradong kabisadong-kabisado ni RJ. Sa sentro ng kanilang tahanan, matatagpuan ang family portrait na ito ng pamilya Jacinto na ipininta ng National Artist na si Fernando Amorsolo. Tampok sa painting na ito ang mga magulang ni RJ at ang walong magkakapatid na Jacinto. Ipinakikita raw sa family portrait na ito ang iba't ibang hilig ng bawat magkakapatid na Jacinto. Makikita ang kanyang kapatid na babae na mahilig sa sayaw na ballet; ang isang kapatid na lalaki, may hawak na baril dahil sa hilig nito sa shooting. Siyempre, gitara ang hawak ng batang si RJ. Sa likod ng tahanan ng mga Jacinto, makikita ang isang resort-inspired na garden, kung saan daw nagre-relax ang pamilya. At ang tubig sa lap pool, tubig-alat daw dahil nilalagyan nila ito ng industrial salt. Ani Frannie, mas mabuti raw ito sa balat at hindi kasing tapang ng chlorine. Dahil nakilala sa radyo si RJ, makikita sa kanyang tahanan ang ilang vintage na radyo na ginawa na niyang pang-display. Bukod sa pagiging musician, isa ring businessman si RJ, at ang DZRJ ang isa sa mga negosyong pinagkakaabalahan niya. Makikita sa kanilang den ang maliit na piano na ito, na minana raw ni RJ sa kanyang ama. Higit pa rito ang nakuha ni RJ mula sa kanyang ama; dito rin daw niya minana ang kanyang hilig sa musika. At siyempre, hindi mawawala ang mga gitara sa bahay ng tinaguriang "The Guitarman." May mahigit 50 na gitara ang kasama sa koleksiyon ni RJ sa bahay, kasama na rito ang isa sa pinakamahal niyang electric guitar na ang presyo'y nasa tinatayang $15,000. Hindi pa raw sumasagi sa isip ni RJ ang mag-retiro, dahil nakikita niyang marami pa ang napapasaya ng kanyang musika. Nais din daw ni RJ na makahikayat ng mga nakababatang musikero na ipagpatuloy ang kanilang hilig. "Huwag kayong gi-give up. We're so talented musically," sabi ni RJ. — GMA News