Filtered By: Showbiz
Showbiz

24 Oras, iba pang Kapuso shows, humakot ng parangal sa CMMA


Tumanggap ng mga parangal sa prestihiyosong Catholic Mass Media Awards (CMMA) ang mga programa ng Kapuso Network. Kabilang sa tumanggap ng pagkilala ang nangungunang newscast sa bansa, ang 24 Oras, bilang Best News Program. Sa ulat ni showbiz reporter Nelson Canlas, sinabi na ang parangal sa 24 Oras ay para sa "Eleksyon 2010," na coverage sa nakaraang May 2010 presidential elections. “Ang pagkilala na ibinigay ng Catholic Mass Media Award ay isang hamon. Tuwing may awards naman ang turing ko hamon, inspirasyon pero hamon din na sana hindi lang may awards kahit araw-araw. Dahil hindi nga natutulog ang balita, dapat araw-araw ang trabaho nating lahat na mamamahayag ay deserving na mabigyan ng award," ayon kay Mike Enriquez, anchor ng 24 Oras.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV
Masayang-masaya rin si Mel Tiangco, anchor din ng 24 Oras, sa tinanggap na pakilala sa nangungunang primetime newscast sa Pilipinas. “Talagang masayang-masaya nating ibinibigay ito, ibinabalik sa ating mga televiewers. Ang mga ganitong mga pangyayari na pagbibigay parangal sa isang banda, hindi na natin inaasahan ‘yan. We always just do our best ganun lang, pero kapag naparangalan ka ala eh! talaga namang masarap din naman sa puso na pinaparangalan ka," ayon kay Tita Mel. Ang iba pang programa na tumanggap ng pagkilala ay ang I-WITNESS (Pasan-Pasan na Dokyu ni Sandra Aguinaldo, Best Education Program; Unang Hirit!, Best Public Service Program; Special Citation para sa Born to be Wild, Best Adult Educational Program; at Best News Magazine Program sa State of the Nation (SONA) with Jessica Soho ng GMA News TV 11. “Napaagang basbas nito kasi eight months pa lang ang State of the Nation, so napakaagang basbas mula sa CMMA. Maraming salamat po, magsisilbi itong reminder sa napakalaking responsibilidad na nakaatang sa amin," pahayag ni Jessica. Ang iba pang parangalan na ibinigay sa GMA 7 programs para television category ay Best Comedy Program (Pepito Manaloto); Best Entertainment Program (Party Pilipinas); Best Talk Show (Mel and Joey); at Special Citation for Best Children and Youth Program (Tropang Potchi) Nasungkit naman ni Ogie Alcasid ang Best Secular Album para sa “Ngayon at Kailan Man" at A Tribute to Geoge Canceco. Naging madamdamin naman ang pagtanggap ni dating senador Ramon Revilla Sr ng Lifetime Achievement Award. Ang kaibigang si Susan Roces ang nagpakilala sa ama ni Sen Ramon “Bong" Revilla Jr. Wagi rin ang mga programa ng Super Radio dzBB para sa radio category. Best Public Service Program ang Aksyon OroMismo; Best Education Program ang Ikaw Na Ba? The Presidential Interview; Special Citation for Best News Commentary Program para sa Bangon na Bayan ni Joel Reyes Zobel; at Special Citation for Best New Program ang SuperBalita sa Tanghali Nationwide! Ang mga parangal ng dzBB radio ay tinanggap sa entablado ng mga haligi nito na sina Mike Enriquez, Rowena Salvacion at Norielyn Temblor. – FRJimenez, GMA News